Mga mangingisdang Pinoy, nakikipag-barter sa mga Chinese sa Scarborough Shoal

Larawan mula sa Philippine News Agency at Pexels

Mainit ngayon ang usapin tungkol sa kung sino ang tunay na may karapatan sa pinag-aagawang Scarborough Shoal sa West Philippine Sea — China ba o Pilipinas?

Hindi pa man nabibigyang linaw ang isyu, kung titignan ang nananaig na bansa sa bahaging ito ng karagatan, masasabing tila China ang may kontrol dito at tanging pagsabay sa agos ang ginagawa ng mga Pilipino, partikular na ang mga mangingisda na pangunahing apektado.

Image capture mula sa PTV4 video

Sa pinakabagong ulat ng ABS-CBN, napag-alamang dahil hindi kaya ng mga mangingisdang Pinoy ang puwersa ng mga Chinese sa Scarborough, imbes na makipagkompitensya ay nakikipagpalitan na lamang ang mga ito ng produkto sa hukbong China.

Ayon sa pahayag ng ilang mangingisda, pinapalitan ng mga Chinese ang mga huli nilang isda ng anumang napili nilang produkto sa mga sasakyang pandagat ng mga dayuhan.

“Punta natin sa China (Chinese), ipalit naming kung ano gusto. Kung ano ang ibibigay sa amin. Halimbawa, karne ganon. O sigarilyo, tubig ganon. Ganon ang kanilang ipapalit,” sabi ni Norman Torres.

Maliban sa mga ito, pinapalitan din ng mga Chinese ang huling isda ng mga Pilipino ng iba pang produkto tulad ng noodles at alak, ngunit may mga pagkakataong ang mga Tsino ang nasusunod kung ilang produkto ang magiging kapalit ng mga isda.

“Sabi ko ‘yung alak, sabi ko dalawa. Sabi niya, gusto niya isa lang. Pinaakyat ako. Nanghingi pa ako noodles. Binigyan niya ako dalawa,” pahayag ni Romulo Etac.

Kung ang mga mangingisda ang tatanungin, tila isang biyaya umano pa ring maituturing ang pagpayag ng mga Tsino na makipagkalakalan, kaysa ang kalabanin sila ng mga ito at itaboy na lubhang makaaapekto sa kanilang kabuhayan.

Pabor ding maituturing ito para sa mga Pilipino hangga’t sila ang nasusunod kung ano ang magiging kapalit ng kanilang mga huli.

Image capture from GMA News video via You Tube

Nang bago pa lamang ang isyu sa agawan ng teritoryo, may mga pagkakataong sapilitang kinukuha ng mga Chinese ang huli ng mga mangingisda sa Scarborough.

Sa kasalukuyan, nakaharang pa rin ang dalawang malalaking China Coast Guard Ship sa daan patungong Scarborough Shoal at hindi pa ring pinahihintulutang makalapit ang mga Pilipinong mangingisda.