Mga batang nahihilig sa mobile at video games, kailangang patnubayan




Mga imahe mula sa Wikimedia Commons

Hindi maikakaila na sa murang edad ay nahihilig na ang karamihan sa mga gadgets dahil sa iba’t ibang pwedeng laruin.

Ang pangunahing dahilan kung bakit ginawa ang mga mobile at video games ay bilang libangan. Subalit habang tumatagal, tila nagkakaroon ito ng mga negatibong epekto sa ibang mga bata.

Imahe mula sa Pixabay

Ayon kay Teresa Gumap-as Dumagdag, isang parenting expert, nararapat lamang na bantayang maigi ang mga batang madalas maglaro ng mga mobile at video games upang hindi sila mawili rito.

Isang maling epekto na maaaring maidulot nito sa mga bata kung hindi nagabayan ay ang pagkapabaya sa pag-aaral dahil ito na lamang ang aatupagin nila lalo na kung tuluyan na silang nahumaling sa paglalaro.

Hindi naman masama ang paglalaro ng mga mobile at video games, subalit ipinapaalala na kailangang nasa kontrol pa rin ang lahat. Dapat ay may oras na itatakda lamang para payagang maglaro ang mga bata.

Isang magandang gawin ay kausapin ang anak, kapatid, o nakababatang kamag-anak at ipaliwanag na ang magandang oras ng paglalaro ng mga mobile at videogames ay kapag tapos nang gumawa ng mga takdang aralin o mga gawaing bahay.

Imahe mula sa Wikimedia Commons

Isa ring dapat masigurado ay kung anong klaseng mobile at video games ang nilalaro ng mga bata.

“Para sa ‘kin at recommendation is kailangan nasusubaybayan ang kung ano mang laro na nilalaro nila. Dapat involved tayo at masubaybayan natin,” paliwanag ni Dumagdag.

Dahil nauuso na nga ang ganitong paraan ng paglalaro sa mga bata, kung ano-anong klase ng laro na rin ang naiimbento na minsan ay kinapupulutan pa ng maling gawain.

“Na-desensitize na dahil sa sobrang dalas na pinapanood ng bata ito. Ang masamang epekto ng mga online games, kung ‘yun ‘yung mga nilalaro ng anak natin eh nag-uudyok sa kanila na maging bayol3nte,” dagdag niya.

Mahalaga ring ikonsidera ang edad ng bata na angkop sa kanyang paglalaro ng mobile at video games. Huwag hahayaang maglaro ng mga gadgets ang mga batang may edad dalawa at pababa.

Ayon pa kay Dumagdag, “the younger na in-expose natin ang bata, the chances na maging add1ct siya sa online games is tumaas.”

Maraming mobile at video games na maaaring kapulutan ng aral. Tamang gabay lang sa mga bata ang kailangan.