Classic Filipino movie na “Maynila sa Kuko ng Liwanag,” napili bilang isa sa ‘World’s Best Movies’

Larawan mula sa Wikimedia at Criterion

Kahit mahigit apat na dekada na nang maipalabas ang pelikulang ‘Maynila sa Kuko ng Liwanag’ ni Lino Brocka, patuloy na gumagawa ng ingay ang pelikula dahil kinilala ito ng isang American home video company bilang isa sa pinakamagagandang pelikula sa buong mundo.

Napasama sa ‘greatest films around the world’ ng Criterion Collection ang ‘Maynila sa Kuko ng Liwanag’ na may international title na ‘Manila in the Claws of Light’ kahanay ng ilang klasikong pelikula mula sa iba’t ibang panig ng mundo tulad ng ‘Hitchcock,’ ‘Kubrick,’ at ‘Kurosawa.’

Larawan mula sa Criterion

Kilala ang Criterion Collection bilang isang home video distributor na naglalayong ipakilala at hikayatin ang mga movie goers, anumang edad, na tangkilikin ang mga mahahalaga at makabuluhang klasiko at kontemporaryong mga pelikula sa buong mundo sa pamamagitan ng iba’t ibang formats, tulad ng DVD at streaming.

Ayon sa isang artikulo sa website ng Criterion, inilarawan nila ang pelikulang ito ni Brocka bilang isang produksiyong Pilipino na nagpakita ng husay sa pamamagitan ng ‘realism’ at ‘melodrama.’

“Lino Brocka achieved international acclaim with this candid portrait of 1970s Manila, a breakout example of the more serious-minded filmmaking the director had turned to after building a career on mainstream movies he described as “soaps,” salaysay ng artikulo ng Criterion.

Bago ang pagkilala ng Criterion Collection, humakot ng iba’t ibang parangal ang pelikula ni Brocka tulad ng 1976 FAMAS Award for Best Picture, Best Screenplay, Best Actor, Best Supporting Actor, Best Cinematography, at Best Director.

Umiikot ang pelikulang ‘Maynila sa Kuko ng Liwanag’ sa buhay ng isang mangingisdang mula probinsya na hinahanap ang kanyang nobya na nagtrabaho sa Maynila ngunit hindi na nagparamdam pa.

Larawan mula sa National Commission for Culture and the Arts

Idinerehe ni Brocka ang pelikula habang ang istorya naman ay mula kay Edgardo Reyes at screenplay ni Clodualdo del Mundo Jr.

Ilalabas ng Criterion ang digitally restored version, parehong sa DVD at Blu-ray formats, ng pelikula ni Brocka na mayroong introduksiyon mula kay Martin Scorsese.