Matapat na binata sa Guimaras, tumanggap ng gantimpala




Imahe mula kay Giff Atienza | Facebook

Viral ngayon sa social media ang pambihirang katapatan na ipinamalas ng isang binata sa Guimaras.

Hinangaan ng karamihan si Nichol Tagudin matapos niyang isauli ang pelican case na naglalaman ng mamahaling cellphone at gadget anim na araw mula nang mawala ito sa may-ari.

Ayon sa post ni Giff Atienza sa Facebook, nagje-jetski ang kaniyang anak na si Ethan sa Cadiz City, Negros Occidental noong ika-14 ng Abril nang mahulog ang mga gamit nito sa dagat.  

Kahit na nanghihinayang ay tinanggap na raw nila na hindi na maibabalik ang mga gamit lalo na at ilang araw na rin ang nakalipas. Ngunit nagulat na lang ang mag-ama nang may nakipag-ugnayan sa kanila upang ibalik ang pelican case at iba pang gamit.

Imahe mula kay Giff Atienza | Facebook

Mula Bacolod ay pumunta sila sa Guimaras upang kunin ang nawalang iPhone, powerbank, at iba pang gamit sa loob ng pelican case. Sa kaniyang post, ibinahagi ni Giff kung gaano siya napahanga ni Nichol.

“A person found and returned the iphone; shows uncommon dedication to honesty! Faith in humanity restored, indeed!” ayon sa post ni Giff.

Imahe mula kay Giff Atienza | Facebook

Labis ang pagkatuwa at pagpapasalamat ni Giff sa nagbalik ng mga gamit ng kaniyang anak. Dahil dito ay binigyan niya ng pabuya ang binata na nagkakahalaga ng P11,000.

“Your school, your parents, your friends, and everyone around you is very proud of you! Thank you Nichol!” dagdag pa niya.

Kuwento ni Nichol, nangingisda siya kasama ang kaniyang ama sa dagat sa Guimaras nang makita nila ang lumulutang na pelican case.

Imahe mula kay Giff Atienza | Facebook

Nakapagtapos sa kursong BS in Industrial Technology major in Automotive Technology sa Guimaras State University si Nichol. Nagkataon naman na sa mga panahong iyon ay naghahanap ng trabaho ang 20-anyos na binata.

Bukod sa pabuya, inalok rin ni Giff si Nichol ng trabaho sa Bacolod.

Source :

Facebook, ABS CBN