Maraming Pilipino, bumibiyahe para i-post sa social media – Survey




Imahe mula sa Freepik

Ano ang una mong naiisip gawin kapag bakasyon o holiday? Makapaglakbay, mamasyal, ‘di ba?

Ang pagpunta sa ibang lugar ay paraan natin upang makapagpahinga, makasama ang pamilya at mga kaibigan, at makatuklas ng bagong tanawin.

Ngunit sa makabagong panahon, may iba na ring dahilan ang mga Pilipino sa pagbisita sa isang lugar — at ito ay ang kumuha ng larawan at i-post sa social media!

Imahe mula sa Pixabay

Maraming Pilipino ang pinahahalagahan ang pagiging “Instagram-worthy” ng isang lugar sa pagpili ng kanilang pupuntahan tuwing bakasyon o holiday. Guilty ka rin ba rito?

Ito ang lumabas na resulta sa ginawang survey sa 2,000 Filipino respondents ng SweetEscape; isang photography service na kumukuha ng mga larawan ng mga turista habang nasa bakasyon.

Ayon sa kanilang survey, 90% ng millenials ang nagpo-post ng kanilang larawan habang nasa ibang lugar.

Sila ay nagdadala ng camera, laptop, at kahit drone upang makakuha ng magagandang larawan sa kanilang bakasyon at ma-i-post sa social media.

Imahe mula sa Freepik

Anim sa sampung mga Pilipino ang bumibiyahe dalawang beses sa isang taon upang mamasyal o magbakasyon. Ang kanilang paboritong panahon sa pagbiyahe ay spring (mula March hanggang May) at fall (mula September hanggang November).

Mas maganda diumano ang mga kuhang larawan sa mga panahong ito dahil sa kulay ng kapaligiran.

Bukod pa rito, 77% ng mga Pilipino ang inuunang puntahan ang mga lugar na “Instagram-worthy.”

Siargao ang nangunguna sa listahan ng mga Pilipino na bisitahin dito sa Pilipinas.

Hong Kong, Seoul, New York, at Paris naman ang nais nilang bisitahing mga lugar sa ibang bansa dahil sa magagandang tanawin dito.

Para sa mga millenials, bukod sa memories ay maituturing ding mahalagang souvenir ang mga larawan na kuha sa lugar na napuntahan.

Imahe mula sa Pixabay

Nagbigay rin ang SweetEscape ng iba pang mga lugar na “Instagram-worthy.”

Kabilang dito ang Cape Town, South Africa; Cappadocia, Turkey; Maldives; Tuscany at Florence, Italy; at Shanghai, China.

Ginawa ng SweetEscape ang nasabing survey upang makatulong sa pagpaplano ng mga susunod na biyahe ng mga Pilipino, sa Pilipinas man o sa ibang bansa.