Manny at Jinkee Pacquiao sobrang ninerbiyos sa amateur fight ni Jimuel




Screenshot mula sa videoni Jinkee Pacquiao

Hindi personal na napanood nina Manny at Jinkee Pacquiao ang unang amateur boxing fight ng anak nilang si Jimuel kung saan nanalo ito matapos mapatumba ang kalaban sa 2nd round.

Ayon sa ulat ng Inquirer, sinabi ni Manny na nakaramdam silang mag-asawa ng kaba habang pinanonood ang video ng laban ng kanilang panganay na anak.

Ibinahagi pa sa Instagram ng fighting senator – na kilala rin sa tawag na “Pacman” – ang nasabing video at nilagyan ng caption na “My son’s first amateur fight.”

Video mula sa Instagram account ni Manny Pacquiao

“Kinabahan kami kahit sa video lang kami nanood,” sabi umano ni Pacman sa Inquirer sa pamamagitan ng isang text message.

Sinabi pa ni Manny na noong una ay ayaw panoorin ng asawa ang laban ng anak nila. Mangiyak-ngiyak nga raw si Jinkee. Ayon naman kay Jinkee ay halos himat4yin siya sa nerbiyos na naramdaman para sa panganay na anak.

“Makuyapan ko [hihimat4yin ako],” sambit daw ni Jinkee habang pinanonood ang video.

Imahe mula sa Instagram account ni Manny Pacquiao

Hindi naman kaila sa publiko na ayaw ni Jinkee at Manny na sumunod si Jimuel sa mga yapak ng ama bilang boksingero, pero determinado ang 18-anyos na nakababatang Pacquiao sa nasabing sports kaya sa bandang huli ay pinayagan na rin nila ang anak sa pangarap na mairepresenta ang Pilipinas bilang atleta balang araw.

“Ayaw namin siya mag-boxing pero gusto talaga niya so pinagbigyan na lang namin,” sabi ni Pacquiao na binansagan ang anak bilang “The future.”

Imahe mula sa Instagram account ni Jinkee Pacquiao

Proud naman si Michael sa nakamit na panalo ng nakatatandang kapatid na binati niya sa isang Instagram post.

“Proud of you my bro. Congratulations,” ani Michael.