Malusog na pagtanda, gawing goal sa buhay




Imahe mula sa Pixabay

Ayon sa 2018 Philippine nutrition survey ng Herbalife Nutrition Foundation, 97 porsiyento ng mga Pilipino ay sumasang-ayon na ang lahat ay maaaring tumanda nang malusog.

Positibo rin ang kanilang pananaw hinggil sa mga pamamaraan upang maging malusog habang tumatanda.

Sa report ng PNA hinggil sa Herbalife Nutrition Forum na isinagawa noong Abril 12, 2019 sa Makati, sinabi ni Dr. Jamid Jan bin Jan Mohamed na bahagi ng ating buhay ang pagtanda ngunit maaari tayong kumilos tungo sa malusog na pagtanda.

Paliwanag pa ni Dr. Mohamed, ang keyword sa malusog na pagtanda ay “kalusugan.”

May tatlong aspeto raw ito ayon sa World Health Organization (WHO): ang pisikal, mental, at sosyal.

Sa pisikal na aspeto, ang isang tao ay walang kapansanan at walang sakit. Ang mental na aspeto ay tumutukoy sa kalayaan mula sa mga mental na karamdaman, tulad ng stress. Ang sosyal na aspeto naman ay tumutukoy sa malusog na relasyon sa pamilya at sa kapuwa, lalo na kung nararamdaman mong hindi ka nag-iisa.

Dagdag pa niya, ang malusog na pagtanda ay makapagbibigay ng mas maraming pagkakataon sa atin na maging mas masaya kapiling ang mga mahal natin sa buhay. Makapagtatrabaho rin nang lubusan ang isang tao kung siya ay malusog.

Imahe mula sa Pixabay

Upang matamo ang malusog na pagtanda, unang binigyang-diin ni Dr. Mohamed na pagtuunan ang wastong timbang.

Aniya, ang obesity ang ‘ina ng lahat ng sakit’ dahil ito ang ugat ng di4betes, hyp3rtension, at cardi4c arr3st.

Sa oras daw na maging wasto ang timbang ng isang tao, nagiging mas mapili na ito sa kinakain na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng malusog na puso at malusog na mga buto.

Ipinunto rin ni Dr. Mohamed na ang ob3sity sa Pilipinas at sa iba pang bansa sa Asya ay nag-ugat sa pagkain ng kanin at tinapay na mataas sa calories. Gayundin sa mga pagbabago ng pamumuhay ng mga tao.

Umaangkop dapat sa gawain ang pagkonsumo ng pagkaing mataas sa calories.

Halimbawa, kailangan ng maraming calories ng isang tao kung siya ay higit na gumagamit ng pisikal na lakas sa pagtatrabaho tulad ng pagsasaka o sa konstruksiyon.

Kung nasa loob lamang ng opisina, kaunti lamang ang calories na nagagamit dahil sa maghapong pag-upo. Ang sobra o hindi nagagamit na calories sa katawan ay nagiging sanhi ng pagtaba.

Makatutulong naman ang pagkonsumo ng mga fiber-rich na pagkain tulad ng mga prutas, gulay, grains, at oats para sa pagpapababa ng timbang.

Imahe mula sa Pixabay

Paliwanag pa ni Dr. Mohamed, napatunayan na sa mga pag-aaral na ang tatlong portion ng gulay at dalawang portion ng prutas kada araw ay makapagpapababa ng posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso.

Malaki rin ang kahalagahan ng pisikal na pagkilos ng tao tungo sa malusog na pagtanda.

Si Dr. Mohamed ay chairman ng Nutrition & Diabetics Program sa University Sains Malaysia na nagsilbing tagapagsalita sa forum.

Source :

PNA, Herbalife