Malikhaing Pinoy! Filipino artist, ipakikita ang kultura ng Maynila sa isang malaking art fair sa Vancouver

Larawan mula sa Facebook account ni Vincent Quilop

Muling itatayo ng isang Filipino artist ang bandera ng Pilipinas dahil napili siya ng isang malaking international at contemporary art fair na gagawin sa Vancouver, Canada upang ipakita ang kultura at pamumuhay ng mga Pilipino.

Nag-iisang Filipino artist na naimbitahan ang 25 taong gulang na si Vincent Quilop sa Art Vancouver, isang kilalang art fair sa Canada, na may temang “Uniting Nations through Art” na gagawin sa Abril 25 hanggang 28.

Larawan mula sa Facebook account ni Vincent Quilop

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, nang itampok nila si Quilop sa kanilang website at napasama sa emerging artist feature nila, nadiskubre daw ng Art Vancouver ang angking galing ng batang urban at travel sketch artist at agad-agad inimbitahan para lumahok sa international exhibit.

“The selection committee felt that he was very talented, his portraits are very lifelike. He has good eye and unique approach with his travel watercolor postcard paintings,” pahayag ng Art Vancouver director na si Lisa Wolfin sa ABS-CBN News team.

Unti-unting nakikilala si Quilop online dahil sa kaniyang mga water color painting na ipinakikita ang iba’t ibang magagandang tanawin ng Kalakhang Maynila, kasama na ang mga kilalang establisimyento sa iba’t ibang lungsod sa rehiyon.

Sa katunayan, ang koleksiyon niya tungkol sa magagandang tanawin sa Maynila ang ibibida niya sa Canada na tatawagin niyang “In Between Manila,” na una rin niyang international exhibit.

Inspirasyon daw ni Quilop sa kanyang exhibit ang ganda ng Maynila na inihahalintulad niya sa iba pang mauunlad na lungsod sa Asya.

“I’ve been to different capital places around Southeast Asian countries and wherever I go, I feel familiar, like I’m in Manila but they’re more successful… I always think it could have been like this in Manila,” sabi ni Quilop.

Larawan mula sa Facebook account ni Vincent Quilop

Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy na kumakalap ng pondo si Quilop para sa mga gagastusin niya sa exhibit sa Vancouver sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga nais magpapinta sa postcard paper.

Sa kanyang Facebook post, maaaring magpagawa ng painting kay Quilop sa halagang P4,000 para sa isang 4 x 6 inches na postcard paper, at P10,000 sa isang unframed 7 x 10 inches paper.