Nagsimula sa maliit na negosyo, ngayon ay isa na sa Q Asia’s National Product Quality Excellence Awardee




Imahe mula sa Mabolo Bam-i House via Facebook

Isa sa napiling pararangalan ng Q Asia National Product Quality Excellence Award 2019 ang Mabolo Bam-i House na gaganapin sa Diamond Hotel, Roxas Boulevard sa May 31.

Ang Mabolo Bam-i House, isang micro food enterprise na matatagpuan sa Cebu, ay pagmamay-ari ng 63 taong gulang na si Ginang Jerry Gloria. Ayon sa kanya, sinimulan niyang itayo ang kanyang negosyo matapos magsanay nang libre sa pagluluto siyam na taon na ang nakararaan.

Napili siya bilang isa sa mga nakatanggap ng benepisyo sa Kabuhayan Program na handog ng Department of Labor and Employment (DOLE) na matagumpay niyang naitaguyod.

Imahe mula sa Facebook account ni Jerry Gloria

Ang naturang programa ay isa sa dalawang pangunahing proyekto ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Programs (DILEEP).

Si Gloria ay binigyan ng puhanan na nagkakahalaga ng P25,000.00 mula sa Kabuhayan program ng DOLE-7 na ginamit niya upang makapagpatayo ng kainan sa kanilang bahay. Naisipan niyang magtinda ng Pansit Bisaya na kung tawagin ay Bam-i bilang ito ang kanyang specialty sa pagluluto.

Nagsimulang kumita ang kanyang negosyo at malaunan ay naisipan niyang mag-aral ng culinary upang madagdagan pa ang kaalaman niya sa pagluluto at mapalago ang kanyang negosyo. Dahil sa kanyang sipag at determinasyon, siya ay nakapag-ipon hanggang umabot ito sa isang milyon.

Ibinahagi ni Gloria ang kanyang lubos na pasasalamat sa DOLE na nagbigay ng suportang pinansyal upang makapagnegosyo.

Dagdag pa niya, hindi sapat na mayroon ka lang hawak na kapital. Kinakailangan mong magtrabaho nang mabuti upang hindi mapunta sa wala ang tulong na natanggap.

Imahe mula sa Mabolo Bam-i House via Facebook

Pahayag ni DOLE-7 Regional Director Salome Siaton, ang mga programang inilulunsad nila gaya ng Kabuhayan program ay ginawa para sa mga mamamayang hindi nabibigyan ng sapat na pansin sa lipunan, mga sadyang nangangailangan ng suporta at proteksiyon, at mga nais magsikap sa buhay.

Lubos na nagagalak si Director Siaton sa mga nagtataguyod ng kanilang buhay at patuloy na nagsusumikap gamit ang tulong ng DOLE.

Gaya ng paniniwala ni Gloria, pinaaalalahanan nila na dapat gamitin sa tama ang mga tulong na natatanggap upang maging maayos ang kanilang negosyo.

Ayon naman kay Assistant Regional Director Lilia Estillore, isang magandang halimbawa at nararapat lamang na tularan si Gloria sa mga nais magnegosyo kahit na sa maliit na paraan.

Umaasa sila na katulad niya, magiging matagumpay rin ang iba pa nilang DOLE beneficiaries.