Sad Graduation na naman: Estudyanteng nagtapos ng elementarya hanggang kolehiyo, walang magulang o kaanak na dumalo




Larawan mula sa Facebook account ni Jeric Rivas

Lagi nating ibinabahagi ang ating mga tagumpay sa ating magulang, kabilang na ang pagtatapos sa eskuwela.

Ngunit paano kung walang dumadalong magulang o kaanak man lamang sa iyong graduation, simula elementarya hanggang kolehiyo?

Pinukaw ni Jeric Rivas ang mga netizens sa kanyang post sa Facebook kung saan ibinahagi niyang nagtapos siya sa elementarya, high school, at college nang walang kahit na sinong kaanak ang dumalo upang umakyat sa entablado kasama niya.

Nagtapos si Rivas sa kursong Criminology sa La Concepcion College sa Bulacan ngunit tubong Sibuyan, Romblon ang binata.

Larawan mula sa Facebook account ni Jeric Rivas

Ayon sa kanyang viral post, kahit nagkakaroon siya ng award noon, wala pa ring dumarating na kaanak upang sabitan siya ng medalya na labis niyang ikinalulungkot.

“Elementary ako noon nagkamit ng mataas na karangalan, 6th honor ako pero sa hindi inaasahang pagkakataon, walang kamag-anak at magulang na umakyat sa stage para magsabit sa akin ng medalya. Dahil doon, hindi na lang din ako umakyat at di ko na rin kinuha ang medalya ko,” sabi ni Rivas.

Noong high school naman, dahil walang magulang o kaanak na dumating, nakisuyo na lamang siya sa magulang ng isang kaklase upang samahan siya sa entablado.

“Recognition ko noon nagkaroon ako uli ng award, naging best in TLE ako, inaasahan ko noon na may aakyat at magsasabit sa akin ng medalya na kamag-anak o magulang ngunit bigo ako. Sa halip ay nanghiram na lang ako ng magulang sa classmate ko para may magsabit sa akin ng medalya,”pahayag ni Rivas.

“Kinabukasan, graduation namin, lahat kami na magsisipagtapos at mga magulang ng kaklase ko ay nandoon na maliban sa akin. Tingin ako sa harap, sa likod, sa kaliwa, sa kanan, nagbabakasakaling masulyapan ko sila, pero wala… Hanggang sa narinig ko na ang aking pangalan. At ito na naman ako, nagmamartsa na naman paakyat ng entablado mag-isa. Habang naglalakad ako, tumutulo ang luha ko,” pagpapatuloy ng binata.

I-click ang imahe upang mabsa ang buo niyang post sa Facebook

Ngunit hindi naging hadlang ang ‘di pagsuporta ng mga magulang ni Rivas sa kanyang pag-aaral, at lumuwas siya sa Maynila mula Romblon upang doon mag-kolehiyo.

Dahil kapos sa buhay, pinasok niya ang iba’t ibang trabaho tulad ng janitor, fast food crew, student assistant, at maging ang pagiging kasambahay upang matustusan ang kanyang pag-aaral.

Nakayanan ni Rivas ang hirap ng pagiging working student at nagtapos nga siya sa kolehiyo, ngunit tulad ng mga nauna niyang graduation, mag-isa siyang muli sa tagumpay na ito.

“Pinipigilan kong umiyak pero ‘di ko talaga kaya… Naramdaman kong tumutulo ang luha ko… Bumulong na lang ako sa sarili ko, ‘buti pa sila may parents na kasama samantalang ako, wala na naman akong magulang na maghahatid sa akin sa entablado.”

Larawan mula sa Facebook account ni Jeric Rivas

Sinamahan na lamang si Rivas ng kanyang professor sa entablado at hindi na niya napigilang yakapin ang mga ito sa entablado at ibuhos ang kanyang emosyon.

Bandang huli, naging masaya pa rin si Rivas dahil sa wakas, ang isang anak na hindi nakaranas ng suporta sa pag-aaral, ay isa nang ganap na propesyonal.