Kuya, binigyan ang kapatid ng pera batay sa bilang ng pahina sa notebooks na may “lecture notes”




Mga larawan mula sa Facebook account ni RoRu Lee

Bilang kuya o ate sa isang pamilya, tayo ang itinuturing na kahalili ng ating mga magulang. Kapag wala sila, tungkulin nating pangalagaan ang mga nakababatang kapatid at tiyaking nasa maayos silang kalagayan.

Kaugnay dito, kinaaliwan sa social media ang Facebook post ng isang kuyang nagngangalang “RoRu Lee” matapos niyang ibahagi ang ginawa niyang “reward” o gantimpala sa nakababatang kapatid na babae dahil sa pag–aaral nito. Kapag bakasyon, karaniwang hindi binibigyan ng “baon” o pera ang mga nag–aaral na kapatid. Bakasyon din sa pagbibigay, wika nga.

Nang humingi ang nakababatang kapatid sa kanyang kuya ng pera para sa allowance agad na pinakuha ng kuya ang mga notebooks nito.

Bakit? Pinabilang ng kuya sa nakababating kapatid ang bawat pahina ng notebooks nito na may lecture notes o sulat. Umabot sa 720 ang pahinang may sulat na tinumbasan naman ng kuya ng piso kada isang pahina.

Mga larawan mula sa Facebook account ni RoRu Lee

“So ayun nga, kinuha niya lahat ng notebooks na sinulatan niya. Tapos ang ginawa ko binilang ko yung pages na may sulat niya. Mabuti na lang at may laman yung notebooks niya kahit papano. After counting, umabot sa 720 pages yung may sulat which is equivalent to 720 pesos din.”

Pinaalalahanan ng kuya ang kanyang nakababatang kapatid na sa susunod, tiyakin nitong may sulat ang lahat ng pahina ng notebooks upang mas malaki–laki pa ang makuha nitong reward.

“PS: Hindi na masama yan kapatid. Kaya next time siguraduhing puno ng sulat lahat ng notebooks mo (back to back) dahil malay mo ganito pa rin gawin ko.”

“Back to back” ang ginawang pagbibilang ng kuya kaya sa isang pahina ay may dalawang piso na kaagad ang nakababatang kapatid.

Mga larawan mula sa Facebook account ni RoRu Lee

Natuwa naman ang netizens sa ginawang ito ng kuya sa kanyang nakababatang kapatid.

“Magandang motibasyon iyan para sa mga bata para magsulat kapag nasa eskwela. Pero sana hindi nila ginagawa yun para lang sa pera. Dapat maintindihan nila na mahalaga ang note–taking kapag nasa klase.”

“Sana all. Ang cute naman nilang magkapatid. Sana lahat ng magkakapatid ay ganyan. Nagmamahalan at hindi nagbabangayan.”

As of this writing ay umabot na sa 26,000 likes at 34, 400 shares ang naturang post sa Facebook.