KO ulit: Jimuel Pacquiao muling nagwagi sa kanyang laban

Mga imahe mula sa Instagram/Twitter

Pinatunayan ng anak ni Senador Manny Pacquiao na ang pagiging mahusay na boksingero ay nasa dugo.

Muling nakasungkit ng panalo ang aspiring boxer na si Jimuel Pacquiao, anak ni Manny.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, napigilan ng nakababatang Pacquiao si Miguel Egan sa second round ng kanilang semi-amateur bout sa Amoranto Sports Complex sa Quezon City nitong Abril 13.

Gumamit si Jimuel ng 1-2 combo para pabagsakin si Egan. Masaya si Jimuel sa naging resulta ng laban lalo na’t sumailalim ito sa intensibong pagsasanay.

I-click ang larawan upang mapanood ang video na ibinahagi ni Mav Gonzales sa Twitter

“I won, mom and dad,” proud na pahayag ni Jimuel.

Nais ni Jimuel, 18, na sundan ang yapak ng ama. Matatandaang nagwagi rin si Jimuel laban sa kanyang  schoolmate na si Lucas Carson noong Pebrero.

Knocked down din si Carson sa ikalawang round.

Suportado ng eight-division world boxing champ at incumbent Senator ang pagboboksing na ito ni Jimuel.

Kamakailan ay nag-post si Jinkee, ina ni Jimuel, ng video ng isa sa mga  training sessions ng anak. Hindi mapigilan ng ina ang pagluha habang pinanonood ang mag-ama sa training.

Tinuruan ni Manny ang anak ng tamang footwork, defense, evading, at combination punches. Si Pacman ay hands-on sa kanyang  training sa anak at maging sa pag-aayos ng hand wrap nito.

Nais din ni Jimuel na katawanin ang Pilipinas sa mga international competitions.

“I’m trying to make a name for myself,” ani Jimuel. “I want to represent the Philippines.”

“Palagi kong sinasabi na, I’ll train properly, magjo-jogging ako, magpa-practice. Nakailang ulit din bago ko sila mapapayag,” dagdag pa nito.

Imahe mula sa Instagram

Nauna na ring inihayag ni Jill Lubato, boxing coach ni Jimuel, na may potensyal ang nakababatang Pacquiao.