Kahit matanda na, nagbebenta pa rin ng cactus si Lolo upang kumita ng pera




Imahe mula sa Facebook ni Niña Gonzaga

Naaantig ang ating mga puso tuwing nakakakita ng matatandang kailangan pa ring maghanap-buhay sa kabila ng kanilang edad upang kumita ng pera para sa sarili at pamilya.

Kung tayo ang masusunod, dapat ay nasa bahay na lamang sila at nagpapahinga kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ano ang gagawin mo kapag nakakita ka ng matandang naghahanap-buhay pa rin sa kalsada? Paano mo siya matutulungan?

Imahe mula sa Facebook ni Niña Gonzaga

Ganito ang nangyari sa isang concerned netizen na nagpost ng larawan ng isang matandang lalaki na nagbebenta ng cactus sa ilalim ng tulay sa bandang Pasay Rotonda corner EDSA.

Ibinahagi ni Niña Gonzaga na mas mura ang mga binebentang cactus ng nasabing Lolo kumpara sa iba. Nagkakahalaga ng 50 pesos ang mga maliliit na halaman, samantalang 60-250 pesos naman ang mga rare na cactus. Nagbebenta rin daw ang matanda ng mga paso na may iba’t ibang kulay sa halagang 15 pesos.

Ayon kay Gonzaga, mabait at palangiti si Lolo. Makikita na nag-e-enjoy ito sa pagtitinda ng mga halaman. Kahanga-hanga rin daw ito dahil sa kabila ng kaniyang edad, kabisado niya ang mga pangalan at gamit ng bawat halamang itinitinda niya.

Imahe mula sa Facebook ni Niña Gonzaga

Nais niyang marami pang bumili ng mga halaman kay Lolo upang makatulong at makadagdag sa kita nito para sa pamilya.

Paalala rin niya na sana ay maging tapat ang mga bibili at susuklian ni Lolo. Malabo na raw ang mata nito kaya hirap na siyang magbilang ng panukli.

Marami ang nakabasa ng post ni Gonzaga. Nang balikan niya si Lolo, ikinuwento nito na marami raw bumibili ng kaniyang mga tindang halaman. Tuwang-tuwa raw ito at panay ang pasalamat sa kaniya.

Imahe mula sa Facebook ni Niña Gonzaga

Para sa mga nais bumili, nagtitinda si Lolo sa kaniyang puwesto mula 4 p.m. hanggang 12 a.m. Makikita siya sa gilid ng Fely’s Canteen.

Sana ay marami pang katulad ni Gonzaga na may mabuting puso na bumili kay Lolo.

Source :

Facebook