Kaabang-abang! Trailer pa lang ng pelikulang ‘Joker’ umaantig na ng damdamin

Larawan mula sa Flickr

Tuloy na tuloy na ang pagbibigay ng saya at paghahasik ng lagim ng pinakasikat na superhero-kontrabida na si Joker na gagampanan ni Joaquin Phoenix.

Inilabas ang unang trailer ng Joker nitong Abril 3 kung saan ipinakita ang ilang eksena ng sinasabing pinagmulan ng payaso bago pa man siya naging kalaban ng superhero ng Gotham na si Batman.

Larawan mula sa Instagram account ni Joaquin Phoenix

Ayon sa direktor ng pelikula na si Todd Phillips, ipakikita sa bagong edisyon ng Joker ang masaklap na pinagmulan ni Arthur Fleck, ang alter ego ni Joker, at kung paano siya papanig sa kasamaan.

“Joaquin Phoenix is living the role and this will no doubt be another inspired and manic performance from him. If you’re missing the ‘dark’ DC, then here’s your medicine,” tweet ni Phillips.

Hindi rin itinuturing ni Phillips na pelikula ito na tungkol lamang sa pagpapakita ng buhay ng isang kontrabida; bagkus, isang pelikulang may temang ‘tr4gedy’ dahil sa mga daraanan ni Fleck bago siya magbalatkayo bilang si Joker.

Sa trailer, makikita ang karakter ni Phoenix na mapagmahal sa magulang at isang masigasig na manggagawa hanggang sa maging biktima ito ng kar4hasan.

Kung tatanungin ang fans ng DC Comics, tila iibahin ng pelikulang ito ang orihinal na pinagmulan ni Joker ayon sa inilabas na 1951 Detective Comics No. 168 na pinamagatang “The Man Behind the Red Hood.”

Sa edisyong ito ng komiks, isang trabahador sa laboratoryo si Joker at kumuha ng $1,000,000 sa pamamagitan ng pagtatago sa isang red hood.

Hindi rin niya sinasadyang maging hitsurang payaso dahil kusang nag-iba ang hitsura niya nang maglublob siya sa isang chemical liquid at ginawang berde ang kanyang buhok, pulang-pula ang mga labi, at napakaputi ng balat.

Larawan mula sa Twitter

Pang-anim na live action na ang Joker na gagampanan ni Phoenix at nakatakda itong ipalabas sa Oktubre 2019.

Bahagi ang Joker ng ilang pelikulang ilalabas ng Warner Bros. na hango sa DC Comics, kabilang na ang Wonder Woman 1984 at Shazam.

Malaki naman ang expectation ng mga manonood sa pelikula dahil matagumpay na nagawa ng Warner ang pelikulang “It” ni Stephen King na isang payaso rin ang bida.

Panoorin ang trailer ng Joker: