Island sanctuary para sa mga aso, matatagpuan sa Cebu




Imahe mula sa Facebook (Island Sanctuary Santa Fe Bantayan Island Philippines)

Alam mo ba na may island sanctuary para sa mga aso sa Bantayan Island, Cebu?

Itinayo ito ng mag-partner na sina Tina Tee at Greg Wells. Si Tee ay isang 29-anyos na Pilipina, habang si Wells ay isang 48-anyos na Australyano.

Ayon kay Tee, malaki ang takot niya sa mga aso noon. Sinabihan kasi siya ng kaniyang mga magulang na ang mga ligaw na aso ay nangangagat.

Nagbago ang kaniyang pagtingin sa mga aso nang nakilala niya si Wells na mahilig sa mga aso.

Imahe mula sa Facebook (Island Sanctuary Santa Fe Bantayan Island Philippines)

Aminado si Tee na hindi naging madali para sa kaniya na baguhin ang pananaw sa mga aso ngunit nakatulong ang pagmamahalan nilang dalawa upang lumalim ang adbokasiya nila para sa pangangalaga sa mga nasabing hay0p.

Lagi raw siyang lumalayo kapag may aso ngunit sinasabihan siya ng partner na hindi sila nangangagat at kailangan nila ng alaga. Ngayon, mahal na niya ang mga alagang aso.

Nagsimula ang kanilang pagsagip sa mga aso nang minsang makakita sila ng isang ligaw na aso na sa lansangan sa Cebu City. Inampon nila ito at pinangalanang Tyra. Pagkatapos noon ay nadagdagan na nang nadagdagan ang kanilang mga alaga.

Imahe mula sa Facebook (Island Sanctuary Santa Fe Bantayan Island Philippines)

Nagpunta sila sa Bantayan Island kung saan marami pa silang nailigtas na mga aso.

Ngayon, mayroon na silang 106 na asong inaalagaan.

Nagpasiya silang tawaging “island sanctuary” ang lupa nila sa Santa Fe, Cebu. Makikita dito ang quarantine area para sa mga may sakit na aso, libingan ng mga aso, at composting corner para sa dumi ng mga aso.

Ayon kay Wells, itinuturing na nilang mag-partner na anak ang kanilang mga aso. Natatanggal daw ang kanilang stress sa pag-aalaga sa mga ito.

Imahe mula sa Facebook (Island Sanctuary Santa Fe Bantayan Island Philippines)

Kung maghihiwalay man daw sila, sisiguraduhin nila na maayos pa ring maaalagaan ang mga aso. Naniniwala din sila na nakatutulong ang mga aso upang lalo nilang mapagtibay ang kanilang relasyon.

Bukas din sila sa tulong na maaaring ibigay ng mga tao, animal advocates, at mga ahensya ng pamahalaan upang patuloy nilang maalagaan nang maayos ang mga aso sa kanilang island santuary.

Iniingganyo din nila ang lahat na mag-adopt ng mga aso, lalo na ng rescued dogs. Kung hindi man kayang mag-adopt, pakitunguhan ang mga ito nang maayos, pakainin, at bigyan ng inuming tubig.

Source :

ABS-CBN, Ptama