Isang pagsaludo! Amang sundalo, dumiretso sa moving up ng anak mula sa duty

Larawan mula sa Facebook account ni Rashian Erica Dematera

Bilang isang anak, walang kasing saya tuwing kasama mo ang iyong mga magulang sa mga nakakamit mo sa buhay, kabilang na ang araw ng pagtatapos sa paaralan.

Ito ang ipinadama ng isang amang sundalo sa kanyang anak matapos nitong dumalo sa moving up ceremony galing sa kanyang trabaho at suot pa ang uniporme bilang tagapagtanggol ng bansa.

Larawan mula sa Facebook account ni Rashian Erica Dematera

Ayon sa Facebook post ni Rashian Erica Dematera, galing pa sa duty sa Nueva Ecija ang kanyang ama na humabol lamang sa kanyang moving up sa Mariveles National High School sa Bataan.

Hindi na raw nakapagpalit ng pormal na kasuotan ang kanyang ama dahil pagod ito sa kanyang trabaho at pinili na lamang dumiretso sa seremonya sa paaralan.

Bilang isang anak, walang mapagsidlan ng tuwa si Dematera dahil nakadalo sa moving up ang ama na bihira niyang makasama dahil sa trabaho nito; idagdag pa raw ang lagi niyang pag-aalala dahil hindi biro ang responsibilidad ng isang sundalo.

Gayunman, nakarinig umano si Dematera ng mga pagpuna sa ginawang pagdalo ng ama niyang naka-unipormeng pansundalo.

Naringgan umano ni Dematera na sinabihang pasikat ang kanyang ama dahil ipinagmamalaki raw nito sa lahat na sundalo siya, na agad namang idinepensa ng dalagang bagong graduate ng junior high school.

“Para sabihin ko sa inyo na galing sa duty si papa at galing pa siya sa Nueva Ecija para lang makapunta sa moving up ko. Hindi na siya nagpalit ng damit dahil pagod siya,” paliwanag ni Dematera sa kanyang post.

Idiniin rin ni Dematera na hindi pagpapasikat ang ginawa ng ama at talagang gusto lang nitong ipakita ang suporta sa kanya.

Larawan mula sa Facebook account ni Rashian Erica Dematera

“Di yon pagpapasikat, pagpapakita yon ng pagmamahal ng isang ama, na kahit gaano siya ka-busy na protektahan ang bayan, handa pa rin siyang maglaan ng oras sa anak at pamilya niya,” dagdag ni Dematera sa kanyang social media post.

Sa kabila ng pambabatikos na narinig ng dalaga, marami naman ang nagpakita ng paghanga sa kanyang ama at sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 200,000 reactions ang post ni Dematera at nagkamit na rin ng 30,000 shares.