Ilocos Norte gov’t, may Holy Week free tour sa mga bibisita sa lalawigan

Imahe mula sa Ilocos Norte/PGIN Communications & Media Office Facebook page

Ang paglalakbay sa mga banal o makasaysayang lugar ang isa sa mga gawain ng mga Katoliko tuwing Holy Week.

Isa ring tradisyon ang Visita Iglesia kung saan ang isang mananampalataya ay bibisita sa pitong simbahan tuwing Maundy Thursday o Good Friday.

Kaugnay rito, magbibigay ng libreng Holy Week tour ang Ilocos Norte Tourism Office (INTO) sa mga pangunahing pilgrimage sites at tourist landmarks sa lalawigan simula sa Abril 18 hanggang Abril 20.

Ayon sa kanilang tourism officer na si Xavier Ruiz, libreng sakay papunta sa mga tampok na lugar ang ibibigay na serbisyo ng INTO.

Nilinaw naman ni Ruiz na hindi kasama rito ang entrance fee, pagkain, at iba pang katulad ng serbisyo.

Ang Maundy Thursday tour (Abril 18) ay pupunta sa Malacañang of the North, Paoay Sand Dunes, UNESCO World Heritage Site St. Agustine Paoay Church, Ferdinand E. Marcos (FEM) Presidential Center, La Virgen Milagrosa Cove, Minor Basilica of Saint John the Baptist Catholic Church, La Virgen Milagrosa de Badoc, at Juan Luna Shrine.

Imahe mula sa Wikimedia/Eric Jam

Para sa Good Friday tour (Abril 19), magtutuloy ang paglalakbay patungong silangang bahagi ng lalawigan para bisitahin ang Santa Monica Parish Church, Dingras Church, Balay Dingras, Escoda Shrine, at Nueva Era Eco-Cultural Park.

Habang ang Black Saturday tour (Abril 20) ay didiretso sa hilagang bahagi ng Ilocos Norte para bisitahin ang Bacarra Church, Pasuquin Mangroves, Cape Bojeador Lighthouse, Kapurpurawan Rock Formation, Bangui Windfarm, Saud Municipal Beach Park, at Patapat Viaduct.

Dagdag pa ni Ruiz, ang programa ay isinulong ng kanilang gobernador na si Imee Marcos.

Mithiin ng libreng tour na madagdagan ang bilang ng mga turistang bibisita sa lalawigan at makapagbigay sa kanila ng abot-kayang halaga na pagbabakasyon.

Imahe mula sa Wikipedia/Rabosajr

Ang mga nais makisabay ay maaaring magpareserba sa pamamagitan ng direktang pagpunta sa sentro ng turismo ng lalawigan sa La Tabacalera sa Laoag City. Maaari ding tumawag sa mobile number na 0949-628-2942.

Ang pagbibigay ng free tour sa mga turista at bisita tuwing Holy Week ay ginagawa na ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte noon pang mga nakaraang taon.