Harapan ng Kampeon: Petron Blaze Spikers at Creamline Cool Smashers nagharap sa isang tune up game

Larawan mula kay Alan Acero/ Creamline Cool Smashers

Matagal nang hiling ng mga Pinoy volleyball fans ang harapan ng mga koponan ng dalawang professional volleyball leagues sa Pilipinas—ang Philippine Superliga (PSL) at Premier Volleyball League (PVL).

Nitong April 15, natupad ang kahilingan ng fans nang magharap sa isang friendly tune up game ang mga kampeon ng PSL at PVL na Petron Blaze Spikers at Creamline Cool Smashers.

Sa magkahiwalay na post sa Twitter ng Petron at Creamline, kinumpirma nilang nagkaroon ng paghaharap sa pagitan ng dalawang kampeon mula sa magkaibang torneo bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa kinabibilangan nilang liga.

Larawan mula sa Twitter account ng Petron Blaze Spikers

Napagtagumpayan ng PSL reigning champions na Petron Blaze Spikers ang friendly match na naghahanda para sa gaganaping PSL Grand Prix semifinals game sa Abril 23.

Pinangunahan ng imports na sina Katherine Bell at Stephanie Niemer ang depensa kasama ang local players na sina Mika Reyes, Denden Lazaro, Rhea Dimaculangan, at Aiza Maizo-Pontillas.

Bigo mang manalo sa PSL champions, nakakuha naman ng isang set ang reigning victors ng PVL sa pangunguna ng ace spiker nilang si Alyssa Valdez katuwang sina Jia Morado, Michele Gumabao, Risa Sato, Jema Galanza, at ang mga import nilang sina Kuttika Kaewpin at Aleoscar Blanco.

Pinuno ng dalawang champion teams ng aksiyon ang Gatorade Hoops Center na matagal nang inaabangan ng mga volleyball fans ng magkabilang liga.

Pinatunayan ng Petron Blaze Spikers na mayroon silang 15 game winning streak sa PSL na nagdala sa kanila sa semifinals ng liga at nakatakdang harapin ang former champions din na Cignal HD Spikers.

Larawan mula kay Alan Acero/ Creamline Cool Smashers

Gayunman, pinakita rin ng PVL champion ang kanilang bangis dahil sa nakuhang isang set sa Petron na natalo lamang ng isang set sa 15 laro nila sa PSL sa kamay ng kanilang pinakamalaking kalaban na F2 Logistics Cargo Movers.

Humihirit naman sa social media ang fans ng dalawang koponan na magkaroon sana ng isang friendly match na ipalalabas sa telebisyon at gaganapin sa isang mas malaking venue.