Happy si Bossing: Kasambahay na kanyang tinulungan, nagtapos na cum laude




Imahe mula sa Facebook ni Marivic Gumban Flores

Hindi hadlang ang kahirapan upang magtagumpay, lalo na kung sasamahan ng sipag at tiyaga. Ito ang pinatunayan ng isang kasambahay sa Iloilo na nagtapos sa kolehiyo bilang cum laude.

Nag-trending ang post ni Marivic Gumban Flores tungkol sa kaniyang kasambahay na si Alfonsa Tilasa.

Nakapagtapos si Tilasa ng kursong BS Computer Science sa ACSI College Iloilo noong April 16, 2019.

Nag-post si Flores sa kaniyang Facebook account ng kaniyang pagbati sa kasambahay at ilang mga larawan na kuha noong graduation nito.

Imahe mula sa Facebook ni Marivic Gumban Flores

“Congratulations Nene. All your hard work paid off. So proud of your achievements. Go out and rock the world.”

Bukod sa pagtatapos bilang cum laude, natanggap din ni Tilasa ang award na Best in Thesis kaya proud na proud sa kaniya ang amo.

Ayon sa kanya, 14-anyos lamang siya nang unang namasukan bilang kasambahay. Ito ang kaniyang naisip na paraan upang matulungan ang kaniyang pamilya.

Nagpalipat-lipat siya ng amo hanggang sa napunta siya kina Flores. Hinikayat naman siya nito na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral habang namamasukan.

Imahe mula sa Facebook ni Marivic Gumban Flores

Hindi niya sinayang ang magandang pagkakataon na inialok ng amo. Pagkatapos ng kaniyang trabaho sa bahay ay pumapasok siya sa paaralan sa gabi upang mag-aral.

Ayon naman kay Flores, pinag-aral niya ang kasambahay dahil suwerte siya sa negosyo at nais niya talagang makatulong sa ibang tao.

Hindi naman binigo ni Tilasa ang kaniyang amo dahil nakakuha pa siya ng scholarship kaya nabawasan ang binabayaran nito sa paaralan.

Lubos ang kaniyang pasasalamat sa tulong at suporta na ibinigay nito sa kaniya.

Sa ngayon, hinihikayat naman siya ni Flores na maghanap ng trabaho na angkop sa kaniyang natapos na kurso upang kumita ng mas malaki.

Sana ay marami pang iba na makapagbigay at makatanggap ng ganitong klaseng tulong.