Hahayaan na sila? Ai Ai delas Alas muntik nang magbitiw bilang manager ng Ex-Battalion

Larawan mula sa Instagram account ni Ai-ai delas Alas at YouTube

Maituturing na ‘certified hit’ ang kolaborasyon ng comedy queen at blockbuster movie actress na si Ai Ai delas Alas at ng Internet sensations at trending rap group na Ex-Battalion, ngunit tulad ng anumang relasyon, dumaraan din sila sa mga pagsubok.

Si delas Alas ang nagsisilbing manager ng Ex-Battalion na kinabibilangan nina Bossx1ne, Emcee Rhenn, Skusta Clee, James Brando, King Badger, at Flow G. Nagkaroon na sila ng sunod-sunod na proyekto kabilang ang pelikulang ‘S.O.N.S. of Nanay Sabel.’

Larawan mula sa YouTube

Ngunit dahil sa iba’t ibang isyu na kinasasangkutan ng rap group — hayag man sa publiko o hindi — minsan na raw pumasok sa isip ng comedy queen na bitawan ang paghawak sa kanila.

“Madalas gusto ko nang mag-give up, pero parati kong iniisip na mga anak ko sila na hindi perpekto,” pahayag ni delas Alas.

Gayunman, nangingibabaw pa rin naman daw ang pagiging ina niya sa mga young rappers at natauhan siyang hindi kailangang panghinaan ng loob; bagkus ay patuloy na gabayan ang mga anak-anakan niya.

“Kasi lahat ng mga anak, kailangang gabayan kaya ‘yung mga pagkakamali nila, isasantabi ko muna para sa kapakanan nila, kasi nanghihinayang ako sa talent nila,” dagdag ni delas Alas na gaganap na ina ng Ex-B sa bagong pelikula nila.

Inihayag din ni delas Alas na talaga namang pasaway paminsan-minsan ang Ex-Battalion kaya hindi rin naiiwasang maraming kontrobersya silang kinahaharap at marami ring bumabatikos sa kanila.

“Magagaling na artista ang Ex-Battlion, pero mga pasaway,” pahayag ng comedy queen.

Larawan mula sa Viva website

Subalit napapalitan ng saya ang nararamdaman ni delas Alas lalo’t nakikita niyang natutupad ang pangarap ng kanyang mga alaga at bibida na sila sa sarili nilang pelikula maliban sa hit songs nila na may milyon-milyong views na online.

Isang Mother’s Day offering ang pelikulang pagsasamahan nina delas Alas at Ex-Battalion at inaasahan nilang parehas na suporta ang ibibigay ng kanilang mga fans dito dahil kilala si delas Alas sa mga pelikulang may temang pamilya tulad ng ‘Ang Tanging Ina.’

Source :

PEP, Viva