Graduate, ibinahagi ang mga pagsubok na pinagdaanan bago nakamit ang tagumpay




Larawan mula sa Facebook account ni Roderick Mission

Masarap sa pakiramdam na maisakatuparan ang isang bagay dahil sa ibayong sipag, sikap, tiyaga, at determinasyon upang maabot ang rurok ng tagumpay.

Ibinahagi ng isang graduate na nagngangalang Roderick Alimoot Mission na nagtapos ng Bachelor of Science in Information Technology sa University of the East nitong Abril 2019 ang mga pagsubok na pinagdaanan bago nakamit ang tagumpay ng pagtatapos sa kolehiyo.

Batay sa napakahaba niyang Facebook post na may pamagat na “Ako nga pala”, isinalaysay ng netizen na lumaki siyang mahirap, naranasang mamalimos sa mga kilalang lansangan at lugar sa Kalakhang Maynila tulad ng Luneta, Mabini, Roxas Boulevard, at Divisoria. Lumaking pulubi at gusgusing bata si Roderick.

Kaya naman, bata pa lamang ay natuto nang magbanat ng buto si Roderick. Nagtinda siya ng mga plastik sa Divisoria, naging basurero kasama ang buong pamilya, naglako sa loob ng Baseco ng ice candy, kalamay, banana cue, gulay, at marami pang iba.

Sa hirap na kanyang pinagdaanan, halos nakaramdam ng pagsisisi si Roderick kung bakit pa siya ipinanganak. Subalit isa lamang daw ang pumasok sa isip niya noon— maging isang mayaman.

Larawan mula sa Facebook account ni Roderick Mission

Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag–aaral kahit hindi sapat ang kanyang baon. Nawala ang kanyang tatay, nagkabaon–baon sila sa utang, at nakapangasawa ng iba ang kanyang ina na minaltrato pa siya. Walang ibang matakbuhan si Roderick kundi si Lord (simbahan).

Hanggang sa nagdesisyon na si Roderick na sa simbahan na manuluyan. Katwiran niya, “walang magulang, walang kapatid at higit sa lahat walang mambubugbog sa akin”.

Akala niya madali ang lahat habang nag–aaral. Pinagkakasya niya umano ang allowance na 200 pesos para sa isang buong linggo, kasama na ang mga personal na pangangailangan sa sarili at sa eskwela. Kaya naman, masarap sa pakiramdam ni Roderick na balik–tanawin ang kanyang mga pinagdaanan dahil sa wakas, suot na niya ang toga at hawak na ang diploma.

Nag–iwan siya ng mensahe sa mga kabataang gaya niya na lumalaban sa buhay.

“Gusto ko lang namang sabihin sa mga kabataan ngayon na nasa field ng paghihirap habang nag-aaral… Go lang pangarap mo iyan ehhh… Kaya marapat lang na ipaglaban mo. Kumuha ka ng lakas kay Lord. Hindi sa ibang tao. Tandaan: Ang taong may pangarap, lumalaban, hindi sumusuko.”

Sa huli, pinasalamatan ni Roderick ang Diyos, ang kanyang mga sponsors mula sa Australia na nagpaaral sa kanya, at ang mga taong nakatulong sa kanya upang maabot ang kanyang mga pangarap.

Larawan mula sa Facebook account ni Roderick Mission

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen.

“We are so proud of you. My heart is so happy to see you achieve your goal. You looked to God even in all the hardship and in the end you give God the glory.”

“Grabe, sobrang nakaka-touch yung story. I am so proud of you, at salamat kay Lord kasi nakilala kita. Congratulations! God bless always, and continue to be a blessing as well.”

Congratulations, Roderick! Nawa ay pamarisan ka ng kabataang tulad mo!