Gold medalist sa Palarong Pambansa, nasorpresa sa bagong sapatos na handog ng kaniyang coach




Screenshot mula sa Twitter video post ni Karl Cedric Basco / Facebook

Bukod sa gintong medalya ay hindi inaasahan ng Grade 11 student na si Decerie Jane Niala, kalahok sa Palarong Pambansa 2019, na may bagong sapatos na naghihintay sa kaniya sa finish line.

Nang makarating sa finish line para sa target na gold medal sa 100-meter Run Secondary Girls ay sinalubong siya ng kaniyang coach na si Damaso Oledon, Jr. Tila alam na nitong magwawagi sa kompetisyon si Niala.

Ayon sa report ng ABS-CBN, halos hindi umano makapagsalita si Niala, mag-aaral ng Matag-og National High School sa Leyte, nang buksan ni Oledon sa kaniyang harapan ang isang kahon ng sapatos. Tinupad lamang ni Oledon ang napagkasunduan nilang dalawa.

Imahe ni Decerie Jane Niala mula sa kaniyang Facebook

Sa kuwento ni Niala, na nagwagi na rin ng bronze sa nakaraang Palarong Pambansa, inaasahan na ng kaniyang coach ang gintong medalya. Nagkaroon ng kasunduan ang dalawa na kapag naka-gold medal ang batang atleta ay bibilhan siya ng bagong sapatos ng kaniyang coach.

Dagdag pa ni Niala, target talaga niyang bilhin ang sapatos na iyon sakaling palarin siyang manalo dahil maaari siyang makatanggap ng incentive pagkatapos ng Palaro. Gayunman, nagprisinta ang kaniyang coach na ito ang bibili ng sapatos kapag nakamit ang gintong medalya.

Ang sapatos ay nagkakahalaga ng ₱ 5,000.

Malaki naman ang pasasalamat ni Niala sa kaniyang tagapagsanay.

“Masaya po ako kasi ‘di ko naman akalain na mag-gold medal ako. Pero inisip ko lang na ito na ‘yung time para makabawi ako kay coach kasi last year ‘di po ako nakakuha ng gold medal,” kuwento ni Niala.

Screenshot ng Facebook post ni Decerie Jane Niala

Si Niala ay anak ng isang construction worker. Ang nakamit na karangalan ay inialay niya sa mga magulang na labis ang mga pagsasakripisyo para sa kanilang pamilya. Pinasalamatan din niya ang mga ito dahil naglalaan sila ng oras para panoorin ang anak sa tuwing lumalaban sa mga kompetisyon.

Samantala, si Vince Jayson Buhayan ng Nicomedes R. Tobar Sr. National High School sa Iloilo ang nagwagi ng gintong medalya sa 100-meter Run Secondary Boys.