Gingerbread man no more? Food company sa UK, ilulunsad ang gender neutral gingerbread

Larawan mula sa Pexels

Kabahagi na ng ating kabataan ang gingerbread – isang uri ng masarap na biskwit na may halong luya at iba’t ibang uri ng pampatamis.

Nakalakihan din nating binabasa ang mga ito sa iba’t ibang fairy tale at iba pang kuwentong pantasya, na karaniwan ay isang nabubuhay na tinapay.

Larawan mula sa Pexels

Ngunit ngayong 2019, ang nakilala nating gingerbread man o gingerbread lady, ay magkakaroon na ng isang bersiyon na gender neutral na ilulunsad ng isang food company sa United Kingdom.

Ayon sa website ng Co-op Group, ipakikilala nila ang kanilang sariling timpla ng gingerbread at wala raw itong kasarian; bagkus ay makikilala bilang isang gingerbread person.

Magiging kabahagi rin ng pagbibigay ng pangalan sa kauna-unahang gender neutral gingerbread ng Co-op ang kanilang mga suki dahil sa panahong isinusulat ang balitang ito, ay humihingi ng suhestiyon ang kompanya sa kanilang website ng magiging pangalan ng gingerbread person.

“Our Food team is adding final touches to a new Co-op gingerbread person, but they’ve yet to come up with a name. They’d like members to join and suggest a fitting name for our new little biscuity friend,” pahayag ng Co-op sa kanilang website.

Dagdag pa ng food company, kahit na walang tutukuying kasarian ang pamosong biskwit, magkakaroon pa rin naman daw ito ng seasonal costumes tulad ng Pasko at Halloween na nakagawian na sa iba’t ibang panig ng daigdig.

“The plan is to give our new gingerbread fellow some seasonal costume refreshes – a distinctively Christmassy look for December and something rather spooky around Halloween,” saad ng isang ad sa kanilang website.

Larawan mula sa Pexels

Umani naman ng iba’t ibang reaksiyon ang pakulong ito ng Co-op at sinabing kahit na magkaroon ng gender neutral gingerbread, hindi pa rin daw nito mabubura ang konsepto ng gingerbread man dahil bahagi na ito ng culinary industry simula 15th century.

Gayunman, ipagpapatuloy pa rin ng Co-op ang pagsusulong sa gingerbread person at sinabing kapag nakalikha na sila ng shortlist mula sa mga suhestiyon, ay ang mga customers pa rin ang pipili ng magiging pangalan ng gender neutral humanoid biscuit sa pamamagitan ng isang poll.