Extension ng LRT-2 sa Rizal, matatapos sa huling quarter ng 2020




Larawan mula sa Philippine News Agency

Isang magandang balita ang naghihintay sa mga masugid na mananakay ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) dahil bago matapos ang 2020 ay inaasahang bubuksan na ang extension nito na magdurugtong sa lalawigan ng Rizal at sa iba pang lungsod sa Kalakhang Maynila.

Ito ang tiniyak ni Department of Transporation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa ginawang paglalagay ng tracks at pagkakabit ng electromechanical system (EMS) ng LRT-2 Masinag extension na huling bahagi ng East Extension Project ng train system.

Larawan mula sa Philippine News Agency/ DOTr

“With the construction of the two stations to be finalized by the fourth quarter of 2020, the travel time of three hours from Recto to Masinag will be reduced to 40 minutes,” pahayag ni Tugade.

Sa extension program na ito ng LRT, madaragdag ang dalawang istasyon ng tren: ang Emerald station na boundary ng Pasig at Cainta, Rizal; at ang Masinag sa Lungsod ng Antipolo.

Tinatayang makatutulong sa higit 80,000 na pasahero ang dalawang bagong istasyon ng LRT-2 na mayroong habang apat na kiilometro.

Inumpisahan ang pagpaplano ng proyekto noong 2013 at sinimulang gawin noong 2017 sa ilalim ng kompanyang mula sa Japan na Marubeni Corporation at DM Consunji Inc. (DMCI) na nagkakahalaga ng P3.2 bilyong kontrata.

Ayon sa DOTr, mayroong dalawang package ang ginagawang konstruksiyon ng LRT-2 extension at sa kasalukuyan ay mahigit kalahati na raw ng trabaho ang natapos nila.

Larawan mula sa Philippine News Agency

Naitayo na ang viaduct noong March 2017 bilang bahagi ng Package 1, habang ang pagtatayo sa mismong Emerald at Masinag stations ay nasa 78 porsiyentong nakukumpleto na at bahagi ng Package 2 ng proyekto.

Nakatutulong ang LRT-2 sa tinatayang 240,000 na pasaherong araw-araw na gumagamit ng LRT na karamihan ay mga estudyante dahil karamihan sa istasyon nito ay malalapit sa mga unibersidad sa Maynila at Quezon City.

Manggagaling ang pondo ng LRT-2 Extension Project mula sa General Appropriations Act.