El Gamma Penumbra, maraming naantig sa performance nilang “Anak”

Screenshot mula sa El Gamma Penumbra Facebook page

Muling nagpamalas ng natatanging talento ang El Gamma Penumbra nang magtanghal ito sa mas malaking entablado ng World’s Got Talent na ipinalabas mula sa Changsha, China.

Ayon sa video post ng El Gamma Penumbra sa Facebook page nito noong Linggo, Abril 21, muli nilang pinahanga ang mga manonood at mga hurado sa very touching performance ng grupo.

I-click ang imahe upang mapanood ang video

Binigyan nila ng shadow dance interpretation ang popular na awitin ni Freddie Aguilar —ang “Anak”— sa bersiyon ni KZ Tandingan. Dahil Chinese ang kanilang major audience, may bahagi ang kanta na isinalin sa wikang Mandarin.

Makikita sa video na may mga studio audience at judges na nadala nang labis sa world performance ng grupo.

Samantala, binati naman sila ng judge at Canadian singer na si David Foster na hurado rin noong lumalaban pa ang grupo sa Asia’s Got Talent.

“You take a blank page with nothing on it, and you create something out of nothing. And it is magic to me. We don’t know how you do it, but we love that you do it,” bahagi ng komento ni Foster.

Binanggit din ni Foster ang tungkol sa pagtupad ng grupo sa ipinangako nilang pagtulong sa kabataang Pilipino.

Tinugunan naman ito ng grupo at sinabi rin na maging ang matatanda sa isang home for the aged ay kanila ring tinutulungan.

Imahe mula sa El Gamma Penumbra Facebook page

Umani rin ng mga positibong komento ang Facebook post ng grupo na nagpahayag ng suporta at pagmamalaki bilang Pilipino.

Noong 2011, ang El Gamma Penumbra ay tinanghal bilang isa sa mga grand finalists sa Pilipinas Got Talent at noong 2015 ay itinanghal na grand winner – first win sa Asia’s Got Talent.

Inamin naman ng grupo, na nagmula sa Tanauan, Batangas, na kahit wala silang proper training at maayos na lugar upang pagpraktisan ay patuloy pa rin nilang pinagbubutihan ang kanilang performance.

Patuloy rin nilang hinihikayat ang mga kabataan na pagsikapan ding matupad ang kanilang mga pangarap.