DOH, may mga paalala sa mga magpepenitensiya

Imahe mula sa Pixabay

Bahagi na ng kulturang Pilipino ang penitensiya tuwing Mahal na Araw. May mga Pilipinong panata na ang pagpepenitensiya bilang paraan ng kanilang pagsisisi sa mga nagawang pagkakamali.

Ang pagh4mpas ng latigo sa katawan at pagpasan sa krus habang naglalakad sa ilalim ng tirik na araw ay bahagi ng penitensiya.

Gayunman, may mga paalala ang Department of Health (DOH) sa mga Pilipinong magpepenitensiya. Bakit? Pagkat ang pagpepenitensiya ay maaaring makapagdulot ng tetanus o maging sanhi ng heat stroke.

Ayon sa DOH, ang mga kagamitan sa pagpepenitensiya, tulad ng latigo at pako, ay kailangang matiyak na malinis bago gamitin. Maaaring ibabad sa alcohol ang pakong gagamitin upang ito ay ma-sterilize. Kailangan ding tiyakin na wala itong kalawang.

Sa kabila nito, pinaalala pa rin ng ahensiya na hangga’t maaari ay iwasan na lang na saktan pa ang sarili; lalo pa’t walang kasiguraduhan na maiiwasan nga ang tetanus kahit binabad ang pako sa alcohol.

Screenshot mula sa YouTube/ San Fernando Crucifixions

Ayon sa report ng PhilStar, sinabi ni DOH Undersecretary Eric Domingo na bagama’t sterilized ang ginamit na latigo o pako ay maaari pa rin daw itong makapagdulot ng imp3ksiyon.

Ang imp3ksiyon ay maaaring makuha dahil sa pagkakalantad sa iba’t ibang elemento habang nagpepenitensiya, tulad ng init at pawis.

Pinaalala rin ni Domingo na ang pag-inom ng antibiotic ay ginagawa pagkatapos makapagtamo ng sugat o hiwa sa layuning maiwasan ang t3tanus. Hindi ito iniinom bago magkasugat.

Kailangan ding tiyaking wasto ang paraan ng paglilinis at paggamot sa sugat. Ang sugat ay maaaring linisin agad gamit ang malinis na tubig at sabon.

Dahil panahon ng tag-init, ipinapayo rin ng DOH ang pag-inom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration.

Upang makaiwas din sa heat stroke, huwag hayaang nakabilad ang sarili sa araw lalo na tuwing alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Imahe mula sa Pixabay

Paalala naman ni DOH Secretary Francisco Duque III, ang Holy Week ay panahon ng solemnity.

Aniya, kung susunod sa mga paalala ng DOH, maidaraos natin ang relihiyoso o espirtwal na okasyong ito nang hindi nasasaktan o nagkakasakit.

Source :

PhilStar, DOH, Abante