Direktor ng ‘Avengers: Endgame’ umapila sa fans: Don’t spoil the movie




Larawan mula sa Instagram account ng Marvel Studios

Inaabangan na ng fans sa buong mundo ang pinakamalaking installment sa Marvel superhero movies na “Avengers: Endgame” ngunit kasabay nang paghihintay sa premiere nito ay lumalabas din ang kaliwa’t kanang spoilers na inalmahan naman ng mga direktor ng pelikula.

Inilahad nina Anthony Russo at Joseph Russo o mas kilala bilang ‘Russo Brothers’ sa kanilang Twitter account ang isang pakiusap sa pamamagitan ng isang liham sa kanilang fans na huwag nang magpakalat ng mga bidyo o anumang uri ng spoiler online at abangan na lamang ang pagpapalabas ng pelikula sa katapusan ng Abril.

Larawan mula sa Twitter account ng Russo Brothers

“This is it. This is the end. The end of an unprecedented narrative mosaic spanning eleven years and eleven franchises,” bungad ng magkapatid na direktor ng Endgame movie na konklusyon ng 22 Marvel superhero movies.

“Because so many of you have invested your time, your hearts, and your souls into these stories, we’re once again asking for your help. When you see Endgame in the coming weeks, please don’t spoil it for others, the same way you wouldn’t want it spoiled you,” pagpapatuloy ng Russo Brothers.

Tinapos naman ng magkapatid ang kanilang open letter na #DontSpoilTheEndgame sa pamamagitan ng isang biro na nais daw ni Thanos, ang kontrabida sa pelikula, ang katahimikan ng lahat.

“Remember, Thanos still demands your silence.”

Pinaghandaan ng Marvel Studios at Disney ang pagpapalabas ng record-breaking movie na Avengers: Endgame at hanggang sa ngayon ay sikreto sa marami ang magiging istorya nito dahil walang anumang advance screenings ang ibinigay kahit sa entertainment press.

Gayunman, sa mga ‘di matukoy na dahilan, may ilang spoiler videos ang kumalat sa iba’t ibang website kabilang na ang YouTube at Reddit na kalaunan ay binura din.

Larawan mula sa Instagram account ng Marvel Studios

Ngunit kahit may mga spoiler sa ilang eksena ng pelikula, gumawa pa rin ng kasaysayan ang Endgame dahil tinalo nito ang Star Wars: The Force Awakens sa pinakamaraming advance tickets na naibenta.

Ipalalabas ang Avengers: Endgame sa Pilipinas sa April 24.