Davao City, opisyal nang host para sa 2019 Palarong Pambansa

Imahe mula sa Palarong Pambansa 2019 Facebook page

Opisyal nang nilagdaan ang memorandum of agreement (MOA) para sa 2019 Palarong Pambansa ng Department of Education (DepEd) at ng Davao City noong Abril 8.

Pinagtibay nito ang pagiging host ng Davao City sa Palaro na magsisimula sa Abril 27 at magtatapos sa Mayo 4. “Shaping the Future Through Sports” ang tema sa taong ito.

Ayon sa Sunstar, bagama’t hindi nakadalo sa MOA signing si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio dahil ito ay nasa official business ay nagpahayag pa rin ito ng pasasalamat sa ibinigay na opurtunidad sa siyudad.

Imahe mula sa Department of Education-Philippines Facebook page

Sa isang written statement, ipinahayag ng Mayor na handa na ang lokal na pamahalaan ng Davao City para sa Palaro. Aniya, gagawin nila ang lahat para mabigyan ng ‘di-malilimutang karanasan ang mga dadalo rito.

Dagdag pa ng mayor, titiyakin nila na nakahanda ang mga ospital at mga emergency medical services sa mga posibleng mangyari. Paiigtingin din nila ang seguridad sa siyudad habang idinaraos ang Palaro.

Samantala, ipinahayag naman ni DepEd Secretary Leonor Briones na hindi maisusulong ang Palaro kung walang host. Hindi naman magtatagumpay ang Palaro kung hindi matutupad ng host ang mga ipinangako nito habang isinasagawa noon ang bidding.

Gayunman, binigyang-diin ng kalihim na confident naman siya na mahihigitan pa ng Davao City ang mga ipinangako nito.

Ipinahayag din ni Briones na mahigpit ang labanan ng mga local government units (LGUs) upang maging host ng Palaro. Sinabi niyang malaki kasi ang magiging impact ng Palaro sa lokal na ekonomiya at edukasyon.

Imahe mula sa Davao Skylines Facebook page / Cong. Isidro Ungab

Inaasahan na nasa 20,000 mga kalahok at mga pamilya nito, kasama na ang mga coach at opisyal, ang dadalo sa pinakamalaking non-academic event na ito ng DepED.

Nakatakda namang ganapin ang opening at closing ceremonies ng Palaro sa Davao City-UP Sports Complex. Ito rin ang venue para sa archery, swimming, football, at volleyball.

Nagpahayag naman si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez na suportado ng ahensiya ang Palaro.

Source :

Sunstar, Inquirer, PNA