“Dalaga” ng Allmo$t, magkakaroon ng official music video sa ilalim ng Viva Records




Imahe mula sa Facebook page ng Allmo$t

Nakapirma na bilang exclusive contract artist ng Viva Records ang apat na miyembro ng Allmo$t kaya asahang gagawan ng official music video ang kanilang hit song na pinamagatang “Dalaga.”

Ang “Dalaga” ay unang inilabas ng grupo noong Hulyo 2018 na naging viral naman nitong mga nakaraang linggo dahil sa #DalagangPilipinaChallenge parody sa Tiktok app.

Ang challenge ay nagsimula sa Twitter video post ni @mimiyuuuh noong Marso 14, 2019 na nagpapa-cute gamit ang background music na “Dalaga” ng Allmo$t.

Screenshot sa Twitter post ni Mimi

Maraming netizen at mga sikat na artista na rin ang sumali sa challenge na ito

Samantala, ayon sa report ng Pep.ph ay umaasa ang grupo na marami na ang makakakilala sa kanila sa tulong ng Viva Records at Viva Artists.

Anila, bilang pa lamang ang nakakaalam na sila ang kumanta ng “Dalaga.” Minsan daw ay pinatutugtog na ang kanta pero hindi pa alam ng nagpapatugtog na sila ang kumanta niyon. Gayunman, natutuwa sila sapagkat marami ang nakakaalam sa kanilang kanta.

Ipinaliwanag din ng grupo ang ukol sa kanilang pangalan. Para umano maka-relate ang lahat sa kanilang kanta, ginamit nila ang katagang “all” habang ang “most” ay bilang pagkilala sa pagkakaiba-iba ng music genre ng apat na miyembro.

Inilagay na lamang nila ang dollar sign dahil masarap daw itong tingnan o para pukawin ang interes ng iba.

Screenshot mula sa YouTube

Ang mga miyembro ng Allmo$t ay sina Crakky at Russell na parehong taga-Olongapo at sina Clien at Jom na parehong nasa ibang bansa. Nabuo ang kanilang grupo noong 2018 nang kontakin nina Crakky at Russell sina Clien at Jom.

Si Crakky ang unang sumulat ng kanta at nang ipinakita na niya sa mga kasamahan ay nagustuhan nila iyon. Natapos ang kabuuan ng kanta sa pamamagitan ng online chat at inilabas nila ito noong Hulyo 2018.

Ayon pa sa ibang report, kasalukuyan pang nasa ibang bansa sina Clien at Jom ngunit nagbabalak nang umuwi upang i-pursue ang kanilang career bilang grupo.

Ang Allmo$t ay nakatakdang gumawa ng music video para sa “Dalaga.” Maglalabas din sila ng bagong single.

Samantala, inanunsiyo rin nila na may part 2 ang “Dalaga” na pinamagatan nilang “Ikaw.”