Coco at Yassi, sweet sa Japan?




Imahe mula sa Instagram

Maraming netizens ang nakapansin sa pag-aalaga ni Coco Martin kay Yassi Pressman habang sila ay nasa Japan.

Kasama ng dalawa ang iba pang cast members ng ABS-CBN prime time series na “FPJ’s Ang Probinsyano” para sa show na Kapamilya Fiesta World Japan na ginanap noong April 21, 2019.

Sa mga Instagram posts ng aktor, makikita na nakapaglibot sila sa Asakusa Temple sa Tokyo, Japan noong April 19, 2019 bago ang kanilang show.

Dito napansin ng maraming netizens na tila sweet si Martin sa kaniyang leading lady.

Sa isang larawan, makikita na tinutulungan niyang ayusin ang mga dalang gamit ng aktres.

Imahe mula sa Instagram (@cocomartin_ph)

May video rin kung saan makikita na nakaakbay ang aktor sa dalaga habang kinukunan sila ng larawan ng kapatid ng aktres na si Issa Pressman.

Marami sa kanilang mga fans ang kinilig at lalong naghinala na totoong may relasyon o espesyal na pagtitinginang namamagitan sa dalawa.

Nitong April lang din napabalita ang diumano’y pagsilang ni Julia Montes sa anak nila ni Martin.

Kumalat ang blind item tungkol sa isang aktres na pinaniniwalaang nasa ibang bansa ngunit lumalabas na nanganak sa isang ospital sa San Juan.

Marami ang nanghula na si Montes ang tinutukoy sa blind item.

May mga showbiz insiders din na diumano’y nagkumpirma ng nasabing panganganak ng aktres sa anak nila ng sikat na aktor.

Ngunit nananatiling tahimik ang kampo ni Montes tungkol sa issue.

Imahe mula sa Instagram (@cocomartin_ph)

Si Martin naman ay nagpost ng statement sa Instagram patungkol sa isang tao na pinakikialaman ang kaniyang personal na buhay.

Ayon sa kaniya, dapat na humanap ng kapaki-pakinabang na pag-uusapan ang mga tao upang may maiambag sa lipunan. Huwag raw pagkuwentuhan ang kaniyang pribadong buhay.

Noong March 29, 2019, nilinaw ni Pressman sa episode ng “Tonight With Boy Abunda” na magkaibigan lamang sila ng ka-love team. Nang tanungin ng host na si Boy Abunda kung gaano ka-close ang dalawa, sinabi ng aktres na “Very… He’s a really, really good friend.”

Noong una raw ay kinakabahan siya dahil nadadawit ang kaniyang pangalan sa isyu. Ngayon daw ay natutuhan na lang niya itong tawanan.

Source :

PEP, ABS-CBN, Inquirer