Lodi: Ice cream vendor, pinabilib ang netizens nang gayahin si Boyet ng ‘My Special Tatay’

Larawan mula sa Facebook account ni Sherwin Bruce

Natapos na ang isa sa most-watched GMA7 teleserye na ‘My Special Tatay’ ngunit ang impact ng bidang si Boyet na ginampanan ni Ken Chan ay nananatili pa rin sa mga fans ng show.

Patunay nito ang isang video sa social media kung saan kuhang-kuha ng isang sorbetero ang boses at kilos ni Boyet na kinatuwaan at hinangaan ng maraming netizens.

Larawan mula sa Facebook account ni Sherwin Bruce

Sa isang Facebook post, ibinahagi ng netizen na si Josh Matthew Soriano ang video ng ice cream vendor na si Sherwin Bruce na ginagaya si Boyet habang binebentahan ng ice cream ang isang batang tinawag niyang Dek-dek; isa ring tauhan sa My Special Tatay.

Sa kasalukuyan, umabot na sa halos 90,000 reactions at mahigit 125,000 shares ang impersonation video ni Bruce na nagtitinda ng sorbetes sa may Dasmariñas, Cavite.

Inulan naman ng positibong komento ang gimik na ito ni Bruce at sinabing hindi lang niya napapawi ang init ng panahon dahil sa ice cream na tinda niya, bagkus ay nagdadala pa siya ng ngiti at good vibes sa kanyang mga customers.

Ayon sa kanila, sa dami ng gumagaya kay Boyet sa social media, si Bruce ang isa sa mga pinakakuhang-kuha ang boses, galaw, at paraan ng pananalita ng iconic role ni Ken Chan.

Dahil viral na ang video na ito ni Bruce, ngayon, bawat customer niya ay inaabangan na ang panggagaya niya kay Boyet habang binebentahan sila ng ice cream.

Sa katunayan, maliban sa viral na kuha ni Soriano, mayroon nang iba’t ibang vidwo mula sa mga naging customer na aliw na aliw sa panggagaya niya.

I-click ang imahe upang mapanood ang video

Makikita sa isang video na inupload ng netizen na si Beejhay Lagura na ibinahagi rin ni Bruce sa kanyang Facebook account, ginagaya niyang muli si Boyet at sinasabing malaking tulong ang pagbili nila ng ice cream upang makabili ng gatas ni Baby Angelo, anak ni Boyet sa teleserye, at hindi na bumalik sa trabaho ang asawang si Aubrey.

Masugid namang sinasagot ni Bruce ang kanyang mga tagahanga sa social media at walang patid ang pasasalamat niya dahil sa atensyong nakukuha na lubos na nakatutulong sa kanyang hanapbuhay.