Dating child star na si BJ ‘Tolits’ Forbes, SK Chairman sa Rizal; nakatakdang magbalik telebisyon




Larawan mula sa Instagram at YouTube account ni BJ Forbes

Sinubaybayan ng madla ang karera ng isa sa mga pinakasikat na child star ng kanyang panahon na si BJ ’Tolits’ Forbes bilang isang aktor, komedyante, at TV host.

Ngunit katulad ng maraming batang artista, dumarating ang panahong lilisanin nila pansamantala ang industriya bilang pagharap sa panibagong bahagi ng buhay — ang pagbibinata o pagdadalaga.

Pansamantala mang hindi man napanood si Forbes sa telebisyon at pelikula, naging abala pa rin siya sa kaliwa’t kanang proyekto, kasabay ang pag-aaral.

Larawan mula sa Instagram at YouTube account ni BJ Forbes

Sa kauumpisa pa lamang na YouTube channel ni Forbes, inupload niya ang isang video kung saan ikinuwento niya ang naging simula ng kanyang career hanggang sa kasalukuyan.

Matapos madiskubre sa isang detergent commercial kung saan nakuha niya ang kanyang alyas na ‘Tolits,’ kasalukuyan namang naglilingkod si Forbes bilang Sangguniang Kabataan (SK) chairperson ng Barangay San Isidro sa Angono, Rizal.

Ibinahagi rin ni Forbes ang naging papel niya bilang youth ambassador ng Council for the Welfare of Children (CWC) kung saan umikot siya sa buong bansa upang ipalaganap ang mga karapatan ng isang bata.

Kahit aktibo sa paglilingkod sa mga kapuwa kabataan, hindi pa rin nalimot ni Forbes ang larangan ng sining at pag-arte dahil gumanap siya bilang Don Juan sa dulang ‘Ibong Adarna’ ng Gantimpala Theater Foundation at napasama rin sa stage play na Bona ng Philippine Educational Theater Association (PETA).

Kung noong bata si Forbes, sa longest-running noontime show siya nagbibigay ng aliw bilang isa sa mga host nito, ngayon naman ay serbisyo-publiko ang dahilan ng muling pagsabak niya sa hosting sa pamamagitan ng Philippine Television (PTV4) show na ‘Lakbayin ang Magandang Pilipinas.’

Larawan mula sa Instagram account ni BJ Forbes

Dahil tiyak na na-miss si Forbes ng kanyang mga fans, kahit abala bilang SK chairman, tinanggap niya ang television comeback project niyang ‘Sahaya’ kung saan gaganap din siya bilang isang Badjao.

Magkasunod na inanunsiyo ni Forbes sa kanyang Instagram account at vlog ang unang araw niya ng taping sa nasabing teleserye.

Magsisilbi rin itong reunion project nila ng kapuwa aktor sa 2004 defunct telefantasyang ‘Mulawin’ na si Miguel Tan Felix.