Bea Alonzo, pinasalamatan si Gerald Anderson




Imahe mula sa Instagram

Pinasalamatan ng aktres na si Bea Alonzo ang pinakitang suporta ng kaniyang nobyong si Gerald Anderson sa kaniyang pinakabagong pelikulang “Eerie.”

Nagpost ang aktres sa Instagram ng larawan nila ng aktor na kuha sa loob ng isang sinehan.

Imahe mula sa Instagram

“Nagpa-block screening si Mayor!! Thanks for the support Mr. Anderson!” ang caption ni Alonzo sa kaniyang post sa social media.

Umani ito ng maraming heart emojis mula sa kanilang mga kaibigan at taga-suporta.

Taong 2010 unang naging magkarelasyon ang dalawa ngunit nagtagal lamang ito ng tatlong buwan.

September 2016 nang umamin si Alonzo na nagdi-date ulit sila ng aktor matapos nilang magtambal sa pelikulang “How to be Yours.”

Nagkaroon muli ng ‘di pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawa nang ma-link ang aktor sa leading lady niya sa pelikulang “My Perfect You” na si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

September 2018 naman nang sinabi ni Anderson sa ABS-CBN Ball na nagkabalikan na sila ng aktres.

Imahe mula sa Instagram

Ang “Eerie” ay isang horror film na pinagbibidahan nina Alonzo at Charo Santos sa direksyon ni Mikhail Red.

Umiikot ang pelikula sa Sta. Lucia Academy, isang all-girls school sa ilalim ng pamamalakad ng mga madre sa pangunguna ni Sor Alice Nicolas, ginagampanan ni Santos.

Si Patricia Consolacion, ang papel na ginagampanan ni Alonzo, ay isang mabait na guidance counselor sa nasabing paaralan. Nakakakita rin siya at nakakakausap ng mga espiritu sa campus, kabilang na rito ang espiritu ng mga mag-aaral na sina Erika Sayco at Clara Nemenzo. Iniimbestigahan niya ang pagkawala ng isang estudyante sa paaralan.

Imahe mula sa Instagram

Kasama rin nila sa pelikula sina Jake Cuenca bilang police investigator na si Julian Castro at Maxene Magalona bilang madre na si Sister Mia. Kabilang rin sina Miguel Faustmann, Gillan Vicencio, Mary Joy Apostol, at Gabby Pineda.

As of April 5, 2019, kumita na ng 102 million pesos ang pelikula.

Bukod sa Pilipinas, palabas rin ang “Eerie” sa Singapore, Malaysia, Brunei, Vietnam, Hong Kong, Laos, Cambodia, Myanmar, Taiwan, at Indonesia.

Unang ipinalabas ang pelikula sa Singapore International Film Festival noong December 2018.