Bagong diskubreng human species, tinawag na Homo luzonensis

Imahe mula sa video ng CNN Philippines via Facebook

Nadiskubre ng mga Pinoy archaelogist ang mga labi ng isang bagong human specie na tinawag na “Homo luzonensis” sa Callao Cave, Peñablanca, Cagayan.

Imahe mula sa video ng CNN Philippines via Facebook

Pinangunahan ng mga propesyonal na mananaliksik mula sa University of the Philippines (UP), katulong ang isang grupo ng archaeologists mula sa ibang bansa, ang pagkadiskubre sa bagong specie. Nahukay nila ang mga buto at ngipin sa kuweba na ayon sa pag-aaral ay may 50,000 taon na.

Ayon sa mga mananaliksik, ang natagpuan nilang mga labi ng tatlong indibidwal ay may pagkakapareho sa pisikal na katangian mula sa sinauna at modernong mga tao. Ito ang dahilan kung bakit bago at kakaiba ito kumpara sa mga naunang human species gaya ng Homo sapiens.

Noong taong 2007, isang buto na pinaniniwalaang mula sa paa at may 67,000 taon na ang nahukay ni Dr. Armand Mijares, archaeologist mula sa UP. Dahil hindi tiyak kung ito ay mula sa buto ng paa ng tao, itinuloy ni Dr. Mijares kasama ang iba pang mga archaeologists and paghuhukay sa Callao Caves.

Nagkaroon ng direksiyon ang isinagawang paghuhukay kung saan noong taong 2011 at 2017 ay may natagpuan silang buto ng kamay, paa, at maging piraso ng ngipin.

Imahe mula sa GMA News via Facebook

Lumabas man sa kasalukuyang pag-aaral na ang Homo luzonensis ang pinakamatandang labi na natagpuan sa Pilipinas, hindi ito naging sapat na ebidensya upang mapatunayan na may nabubuhay at naninirahan na rito sa panahong iyon.

Pagdating ng taong 2018, may isa pang grupo ng mga mananaliksik na binubuo ng mga Pilipino at French ang nakatuklas ng mga kagamitang bato at labi ng isang rhinoceros sa Kalinga province na may 700,000 taon na.

Ayon sa “Nature” journal, ang pagkakadiskubre sa mga labi sa Kalinga ay isang patunay na posibleng may nanirahan na sa bansa ng nakakaraang 600,000 taon. Maaari rin na ang mga natagpuan sa Kalinga ay pagmamay-ari ng mga Homo luzonensis.

Imahe mula sa video ng GMA News Online Lifestyle via Facebook

Ang pagtuklas sa Homo luzonensis ay isang mahalagang papel sa sangkatauhan. Ilan sa mga patuloy pa ring hinahanapan ng kasagutan ay kung saan nga ba ito nagmula at paano ito nakarating sa Luzon.