Avisala Inang Reyna! Dawn Zulueta, mapapanood sa GMA7 matapos ang mahigit isang dekada

Larawan mula sa Instagram account ni Michael V at GMA Network

Muling masisilayan ang aktres na si Dawn Zulueta sa GMA Network matapos ang labing tatlong taon.

Nakatakda siyang mag-guest sa award-winning comedy show na ‘Pepito Manaloto.’

Ito ang unang pagkakataon na magiging panauhin si Zulueta sa isang GMA-produced show matapos ang kanyang iconic role bilang Inang Reyna Mine-a sa 2006 version ng hit telefantasya na ‘Encantadia.’

Larawan mula sa Instagram account ni Michael V

Sa isang post ng ‘Pepito Manaloto’ star na si Manilyn Reynes sa kanyang Instagram account, makikita si Zulueta kasama ang ilang cast ng show at direktor nitong si Bert de Leon.

Kalakip din ng larawan ang caption ni Reynes na may paghanga sa tila hindi tumatandang si Zulueta.

“With the ever pretty (at hindi nagbago at all), Ms. Dawn Zulueta. Missed her. Glad na nagkita kami sa Pepito Manaloto taping,” sabi ni Reynes na gumaganap na Elsa Manaloto sa sitcom.

Bago pa man ang guesting ni Zulueta sa ‘Pepito Manaloto,’ nakita na siya sa bakuran ng Kapuso Network ngunit hindi para sa isang TV show kung hindi para sa isang pelikulang gagawin ng GMA Pictures.

Ginagawa ni Zulueta ang pelikulang pinamagatang ‘Family History’ kasama ang main cast din ng ‘Pepito Manaloto’ na si Michael V. na magsisilbi ring direktor ng kanyang comeback movie.

Napili ni Michael V at ng asawa niyang si Carol na isa sa producer ng show si Zulueta upang maging leading lady ng komedyante sa pelikula dahil fan daw sila ng aktres.

Matatandaang noong 2017 ay nagkaroon din ng serye ng guesting si Zulueta sa GMA7 ngunit ito ay sa mga palabas na co-produced ng APT Entertainment dahil bahagi ito ng promotion niya ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry niyang ‘Meant to Beh’ kasama si Vic Sotto.

Larawan mula sa Instagram account ni Manilyn Reynes

Matapos ang maikling guesting stints sa Kapuso Network, muling napanood si Zulueta sa ABS-CBN show na ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ at kalaunan ay namaalam din sa top-rating series.

Wala pang anunsiyo ang GMA Network kung kailan ieere ang guesting ni Zulueta sa ‘Pepito Manaloto’ ngunit tiyak na ito ay parte ng promotion ng kanyang pelikula kasama si Michael V.

Source :

Instagram, PEP