Arroyo, naging sentimental sa kanyang birthday wish at sa nais niyang maiwang legacy




Si House Speaker Gloria Arroyo sa kanyang birthday speech noong Abril 5. (Larawan mula sa Facebook acount ni Arroyo/PPAB)

Naging sentimental si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa pagdiriwang ng kanyang ika-72 kaarawan noong Biyernes, Abril 5. Ang kanyang birthday wish ay ang mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino habang nananalig na magiging positibo ang maiiwan niyang legacy sa pagreretiro sa politika. 

Ang mga tagasuporta ng dating pangulo ay nagdaos ng misa para sa kanya sa St. Agustin Church sa Lubao, Pampanga. Pagkatapos ng misa, nagtalumpati at nagpasalamat si Arroyo sa lahat ng kanyang mga tagasuporta na hindi siya iniwan sa hirap man o ginhawa.

Sa kanyang talumpati, aminado si Arroyo na hindi kasing dramatiko ng legacy ng ibang world leaders, tulad nina Winston Churchill at John Kennedy, ang maiiwan niyang legacy.

Gayunman, nais pa rin niyang isipin na ang legacy na maiiwan niya ay ang napanumbalik niya ang fiscal stability ng Pilipinas matapos ang matinding krisis na naranasan ng bansa sa pagsisimula ng kanyang panunungkulan bilang pangulo.

Imahe mula sa gloriamarroyo.ph /Ronald Navarro

Ang panunumbalik ng fiscal stability ang naging plataporma ng kanyang programa na nakasentro sa pagpapatayo ng marami at mahuhusay na impraestruktura. Aniya, ito ang nagpababa sa poverty rate na 39 porsiyento nang siya ay naging pangulo na naging 26 porsiyento nang bumaba siya sa puwesto.

Pinasalamatan din ni Arroyo ang mga taong nakasama niya sa pagseserbisyo sa publiko sa loob ng 27 taon. Ikinatutuwa rin niya na nakatrabaho niya ang mga bata pang politiko na nakikita naman niya na makapaglilingkod nang mabuti sa taumbayan.

Higit sa lahat, pinasalamatan niya ang mga Pilipino na nagbigay sa kanya ng pagkakataon na makapaglingkod.

Samantala, nauna nang nasabi ni Arroyo na pagtutuunan muna niya ng pansin ang pagsulat niya ng kanyang memoirs o makasaysayang talambuhay kapag bumaba na siya bilang house speaker ng Kamara sa Hunyo 30, 2019. Gayunman, idineklara niya na plano niyang maging consultant ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga upang patuloy niyang matulungan ang lalawigan.

Larawan mula sa Facebook account ni GMA

Samantala, binati rin siya ni Pangulong Rodrigo Duterte at hiniling ang kanyang patuloy na pagtatagumpay at mapabuti ang kalusugan. Pinasalamatan din siya ng pangulo sa suporta nito mula noon hanggang sa kasalukuyan.