‘Aquaman’ inahit na ang iconic na bigote’t balbas




Screenshot ng Instagram post ni Jason Momoa

Matapos ang pitong taon na pagpapatubo at pag-aalaga sa kaniyang iconic na bigote’t balbas, inahit na ito American actor na si Jason Momoa, na kilala rin bilang si Aquaman.

Sa latest Instagram video ni Momoa na in-upload noong Abril 18, sinabi niyang noong 2012 pa siya huling nag-ahit. Ginawa niya ito upang mag-raise ng awareness sa mga tao na kumilos para sa positibong pagbabago.

“It’s time to make a change. A change for the better… for my kids, your kids, the world,” sabi ni Momoa sa video.

Imahe mula sa Wkipedia / Eva Rinaldi

Hinikayat niya ang lahat na maging positibo at manguna sa mga gawain na magpapabago sa kalusugan ng ating planeta.

Nanawagan din siya sa mga tao na samahan siya sa kaniyang bagong journey sa paggamit ng infinity recyclable aluminum can kaysa plastic bottle para sa ating mga inumin. Ilan sa mga ginamit niyang hashtag sa kaniyang post ay #ChangeIsComing at #CannedWater.

Marami ang nagkomento ng pagsuporta kay Momoa, tulad ng Instagram user na si M Martin na sinabing excited siya para sa gawain.

Sumang-ayon din siya na kailangan lang nating gumawa ng mabuti para matamo ang magandang resulta. Pinasalamatan din niya ang actor sa pangunguna nito sa gawain.

Komento naman ni J Suotamo, marapat lamang daw na gawin nating inspirasyon ang video ni Momoa upang gawin kung ano ang nararapat para sa kalikasan.

Nagpasalamat naman ang Oceanic Global sa paggamit ni Momoa ng Instagram upang i-promote ang mga alternatibong packaging material na mayroon sa merkado.

Gayunman, may ilang fans na nalungkot sa pag-ahit ni Momoa lalo na at nasanay silang may bigote’t balbas ang aktor.

Imahe mula sa Instagram ni Jason Momoa/prideofgypsies

Samantala, hindi na bago ang ganitong panawagan ni Momoa sa kaniyang social media account sapagkat bahagi na ng kaniyang buhay ang pangangalaga sa mga katubigan.

Noong mga nakaraang taon, sinimulan din ng grupo ni Momoa ang #WeAreMaunaKea campaign upang protektahan ang isang sagradong kabundukan sa Hawaii.

Si Momoa ay isinilang sa Hawaii at ang kaniyang ama ay isang Native Hawaiian.

Nakabisita na rin siya sa Pilipinas noong Disyembre 11, 2018 sa premier showing ng Aquaman sa bansa.