“Ang bato talaga ni Darna, namimili ng tao” – Angel Locsin




Imahen mula sa Facebook account ni Angel Locsin

Kasunod ng maugong na balita sa pag-backout ni Liza Soberano sa pagganap bilang Darna, isa ang pangalan ni Angel Locsin sa mga nais ng fans na pumalit sa lead role na iniwan ni Liza. Maraming fans ang nananawagan kay Locsin na lumipad muli bilang Pinay superhero.

Mahigit isang dekada na mula nang unang isuot ni Angel ang iconic costume, ang pagsubo ng bato, at ang pagsigaw ng “Darna!” Si Angel ang gumanap sa lead role ng teleseryeng “Darna” ng GMA 7 noong 2005.

Nabalita na rin noon na si Angel ang gaganap sa movie na gagawin ng Star Cinema ngunit kinailangan niyang umatras sa proyekto dahil sa health concerns sa kaniyang likod. At mula noon, si Liza Soberano na ang kaniyang inieendorso bilang kapalit.

Imahen mula sa Facebook account ni Liza Soberano

Naging maugong ang pangalan ni Angel lalo pa at gumagawa na rin ito ng mga stunts sa teleseryeng “The General’s Daughter.” Tila paghahanda na raw ito sa matitinding bakbakan na posibleng eksena ng gagawing pelikula.

Ngunit sa pinaka-latest na panayam kay Angel ng ABS-CBN News, nananatiling “no” pa rin ang sagot ng aktres.

Ipinaliwanag din ni Angel na nang malaman niya ang pag-atras ni Liza, hindi niya inisip na muling gawin ang Darna bagkus ay nag-worry agad siya sa kalagayan ng aktres.

Sinabi rin ni Angel na kung mayroon mang tao na makauunawa sa sitwasyon ni Liza ay walang iba iyon kundi siya. Nagpadala rin siya ng mensahe kay Liza, na agad daw siyang sinagot ng “Ate, I’m sorry.”

Sa sagot na iyon ni Liza, inamin ni Angel na naramdaman niya kung gaano ka-devastated ang aktres sa nangyari. Gayunman, pinakamahalaga pa ring isaalang-alang ang kalusugan ng aktres na kailangang alagaan ang sarili.

Imahen mula sa Facebook

Hiniling din ni Angel sa mga fans ng Darna na bigyan ng panahon ang selection process ng ABS-CBN at ng Star Cinema.

Nag-iwan naman ng makabuluhang pahayag si Angel sa mga nag-aabang sa susunod na Darna. “Ang bato talaga ni Darna, namimili ng tao. Hindi basta-basta lang,” sabi ng aktres.