Ai-Ai at Ex Battalion, may pelikulang ipalalabas sa May 1

Screenshot mula sa YouTube/Viva Films

Isang pelikulang Pilipino ang ipalalabas sa May 1 na pagbibidahan ng “Ina ng Bayan” na si Ai-Ai Delas Alas kasama ang kaniyang mga anak-anakan na miyembro ng Ex Battalion.

Ang pelikula ay handog ng Viva Films sa lahat ng ina kaugnay sa pagdiriwang ng Mother’s Day (May 12).

Pinamagatang Sons of Nanay Sabel, si Ai-Ai ay muling gaganap bilang isang ina sa katauhan ni Nanay Sabel.

Kadikit na ng pangalan ni Ai-Ai ang pagiging nanay dahil na rin sa mga nauna niyang pelikula na maka-ina, tulad ng film series niyang Ang Tanging Ina.

Ayon sa interview ng GMA News, sinabi ni Ai-Ai na nami-miss niyang gumawa ng pelikulang pampamilya. Pinaghambing naman niya ang kaniyang naging papel sa Ang Tanging Ina at sa bagong pelikula.

Imahe mula sa Ms.Ai-Ai Delas Alas Official Facebook page

“Nung ‘Tanging Ina’ perfect na nanay ako, dito nanay ako na marami akong pagkakamali na itinama ko later on,” pahayag ni Ai-Ai.

Batay sa trailer ng Sons of Nanay Sabel, dinala ni Nanay Sabel ang anim na maliliit pa niyang mga anak sa isang bahay-ampunan. Nagbinata na at may mga umampon na sa mga ito nang simulan niyang hanapin ang mga anak.

Kasama ni Ai-Ai sa pelikula sina Bosx1ne, Brando, Emcee Rhenn, Flow-G, King Badger, at Skusta Clee ng Ex Battalion. Sila ang gumanap bilang mga anak ni Nanay Sabel.

Ang Ex Batallion ay isang hip hop group na nagsimula noong 2012 bilang mga rapper na madalas sumali sa mga rap battles sa iba’t ibang barangay sa Maynila. Tang 2016 nang magdesisyon sila na bumuo ng isang hip hop singing group.

Imahe mula sa Ex Battalion Facebook page

Nabigyan naman sila ng malaking break sa showbiz nang sumikat ang kanilang kantang “Hayaan Mo Sila” na ini-upload sa YouTube noong Nobyemre 2017.

Noong Marso 2018, inanunsiyo na magiging manager na ng kanilang grupo si Ai-Ai katuwang ang Viva Entertainment sa pag-aasikaso ng kanilang mga proyekto.

Samantala, kasama rin sa pelikula si Miss International 2015 Kylie Verzosa na gumanap bilang Helen. Siya ang pag-aagawan ng anim na anak ni Nanay Sabel at magiging sanhi ng pag-aaway ng magkakapatid.

Ang Sons of Nanay Sabel ay isinulat ni Mel Mendoza (manunulat din ng Ang Tanging Ina) at idinerehe ni Dado Lumibao.

Asahan nang patatawanin at paiiyakin tayong muli ng ‘Comedy Queen’ sa pelikulang ito.