Agosto ang simula ng klase para sa Academic Year 2019-2020 — CHED

Public domain

Inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) na ang pasukan sa mga State Universities and Colleges ay sa Agosto na simula Academic Year 2019-2020.

Sa ulat ng PhilNews, ang anunsyong ito ng CHED sa lahat ng State Universities and Colleges gayundin ang mga Local Universities and Colleges ay nag-aatas na i-synchronize ang Academic Year (AY) sa Fiscal Year (FY).

Naglabas na rin ng memorandum hinggil ng kautusang ito sa mga CHED regional office directors at heads ng SUCs at LUCs sa pagpapalit ng academic calendar.

Ang pagpapalit ng academic calendar ay alinsunod sa RA 7722 o “Higher Education Act of 1994” at CEB Resolution No. 142-2019.

Ang memorandum ay naglalayong  tiyakin na sa pagsisimula ng FY 2020, ang lahat ng  SUCs at LUCs ay synchronized na ang academic year sa  fiscal year.

Si CHED Officer-in-Charge J. Prospero de Vera III ang lumagda sa memorandum hinggil sa shifting ng pagbubukas ng klase.

Paliwanag pa ni De Vera, sa pagbubukas ng klase sa Agosto sa mga public universities ay mas madali ang implimentasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act sa ilalim ng cash-based budgeting system.

Samantala, para naman sa Department of Education Hunyo 3 ang simula ng pasukan para sa taong panuruan 2019-2020.

Ang petsa ng pasukan ay alinsunod sa  Republic Act No. 7797 o “An Act to Lengthen the School Calendar from Two Hundred (200) days to not more than Two Hundred Twenty (220) Class Days,”  ayon sa DepEd — na ang unang araw ng klase sa public elementary at secondary schools sa bansa ay sa Hunyo 3, Lunes .

Nakasaad sa RA 7797, Section 3: Ang school year ay magsisimula sa unang Lunes ng Hunyo ngunit  hindi lalampas sa huling araw ng Agosto.

Kinumpirma rin ni DepEd Undersecretary for Planning and Field Operations Jesus L. R. Mateo ang petsa ng pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan.