Agawan ng Trono: Justin Bieber at Shawn Mendes, nagsagutan online tungkol sa titulong Prince of Pop

Larawan mula sa Instagram account nina Shawn Mendes at Justin Bieber

Usap-usapan ngayon ng mga netizen ang ginawang pagkokomento ng international pop singer na si Justin Bieber sa post ng kapuwa pop musician na si Shawn Mendes matapos tawagin si Mendes ng isang magasin bilang Prince of Pop.

Nag-post ang 20-year-old singer sa kanyang Instagram account ng larawan ng cover ng Observer Magazine kung saan mayroong malaking imprentang “Prince of Pop,” na naging dahilan para magkomento si Bieber na itinuring ding pop royalty dahil sa kanyang mga hit song na “Baby” at “One Time.”

Larawan mula sa Instagram account ni Shawn Mendes

Ayon sa komento ni Bieber, kailangan daw munang lagpasan ang records na ginawa niya bago niya tanggapin na si Mendes na ang bagong prince of pop.

“Hmm, gonna have to break a few more records to dethrone my title there bud,” bungad ni Bieber.

“But if you want we can play hockey for it but I heard you are a real bender on the ice we could just drop the buckets and tilt for it,” dagdag ni Bieber na bandang huli ay nilinaw na biro lamang ang kanyang naging pahayag at walang kompitensya sa pagitan ng kapuwa Canadian hit maker na si Mendes.

“There is no competition and it was a playful joke people relax…” paliwanag ni Bieber nang mag-umpisang magkomento ang kanilang fans.

Sumagot naman si Mendes kay Bieber at sinabing handa naman siyang makipagkita kay Bieber at tumugon sa hamon nito.

“LOL any time any day you just let me know!!!” sagot ni Mendes.

Bago pa man ang sagutang ito nina Bieber at Mendes, naunang umugong ang balitang nakikipagmabutihan daw si Mendes kay Hailey Baldwin na asawa ni Bieber.

Larawan mula sa Instagram account ni Shawn Mendes

Ni-like ni Mendes ang isang post ni Baldwin na nabigyang malisya ng mga fans ng dalawang singer ngunit bandang huli ay nalinaw na magkakaibigan sina Bieber, Baldwin, at Mendes.

Matatandaang noong nagsisimula pa lamang si Mendes, sinuportahan siya ni Bieber at tumulong pang i-promote ang kanyang breakthrough song na “Stitches” noong 2015.

Source :

People, Instagram