88-anyos na magsasaka, nagdonate ng 4 ektaryang lupain para sa solar-powered irrigation system sa kanilang lugar

Imahe mula sa web site ng DA

Ipinagbunyi ng mga kasamahan ang 88-anyos na si Rogonio “Goneng” Balentin na nag-donate ng kaniyang 4 ektaryang lupain upang pagtayuan ng solar-powered irrigation system (SPIS) sa kanilang lugar.

Hindi ipinagkait ni Tatay Goneng sa mga kapuwa magsasaka ang bahagi ng sariling lupain para pagtayuan ng SPIS project ng Department of Agriculture (DA) sa Barangay Kitubod sa Libungan, North Cotabato.

Ayon sa web site ng DA, kasabay ng kanilang pag-turn over ng SPIS project sa mga mamamayan ng Libungan ay kinilala ng ahensiya ang kabutihang-loob ni Tatay Goneng.

“Tingnan n’yo si Tatay, nilapitan at hiningan ng parte ng kaniyang lupa para tayuan ng solar panel at bomba, hindi s’ya humingi ng anumang kundisyon, pumayag agad nang walang reklamo,” pahayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol.

Dahil dito, inanunsiyo ng kalihin na may kalakip na gantimpala ang kabutihan ni Tatay Goneng. Ipinag-utos niya sa DA Region 12 executive director Milagros Casis na ipadeliver sa pamilya ni Tatay Goneng ang ‘45-horsepower Kubota farm tractor with rotavator’ na nagkakahalaga ng isang milyong piso.

Maaari umanong iparenta ni Tatay Goneng ang bagong farming equipment sa kapuwa niya magsasaka bilang pandagdag sa kita ng kaniyang pamilya.

“This is the reward for people like him who generously shares,” dagdag ni Piñol.

Imahe mula sa Pixabay

Ang PSIS ay multi-milyong proyekto ng DA na may 72-solar panels. Kayang nitong makapagprodyus ng enerhiyang magagamit bilang panghigop ng tubig mula sa Malitubog River. Malaki ang maitutulong nito sa irigasyon sa mga sakahan.

Layunin ng proyekto na mapaunlad ang produksiyon ng palay at ng mais sa mga sakahan sa lugar na makapag-aambag ng supply ng pagkain sa bansa.

Ayon sa paliwanag ni Piñol, ang SPIS sa Kitubod ay makapagpapataas sa produksiyon ng mga magsasaka. Maaari silang makapagtanim at makapag-ani nang tatlong beses sa loob ng isang taon nang hindi bababa sa 100 sako ng bigas bawat isang ektarya.

Imahe mula sa Pixabay

Samantala, nangako rin si Piñol na maglalaan ng ₱2-million loan fund para sa Barangay Kitubod sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council sa kondisyong pamamahalaan itong mabuti ng mga opisyal ng barangay.

Source :

DA, MindaNews