Viral video: Ukelele boy ng Cebu, hinangaan sa pagtugtog ng Despacito at Buwan

Imahe kuha mula sa video ni TJ Clemente via Facebook

Viral ngayon sa social media ang video ng isang batang lalaki na mahusay tumugtog ng ukulele.

In-upload ng isang TJ Clemente sa kanyang Facebook account ang dalawang video ng hindi nakilalang bata. Ang unang video kung saan tinugtog ng batang lalaki ang sikat na kantang “Despacito” ay mayroon nang mahigit 1.6 million views.

Ang ikalawang video kung saan tinugtog naman ng bata ang popular ngayon na kanta ni Juan Karlos Labajo na “Buwan” ay mayroon nang 707,000 views.

Ayon kay TJ Clemente, nakita raw nila ang bata sa labas ng Rico’s Lechon sa Lapu-Lapu City sa Cebu malapit sa Mactan-Cebu International Airport. Bigla na lang daw lumapit sa kanila ang bata at saka tumugtog.

Screenshot ng Facebook post ni TJ Clemente

Sinabi raw ng bata kay TJ Clemente na tumutugtog siya upang magkaroon ng pambili ng pagkain ang pamilya niya at para din makapag-aral siya. Nanghihinayang si TJ Clemente na hindi niya nakuha ang pangalan ng bata at kung saan ito makokontak. Aniya, marami raw nagsabi na tutulong sa bata mula nang mag-viral ang video.

Narito ang buong Facebook post ni TJ Clemente:

“Galing ng batang to! He’s from Cebu. Makikita niyo siya outside Rico’s lechon. Sabi niya sakin tumutugtog siya para makapagaral at magkaron ng makakain family niya. Saludo ako sa’yo! Sana one day ma discover siya para makapag aral siya at para mas makapag provide sa family niya. God bless you kid!

Edit: Nakita namin siya sa labas ng Rico’s lechon malapit sa Mactan airport Cebu. Unfortunately, hindi namin nakuha contact number or address nila. So, if ever may nakakaalam please let me know madami kasi gustong tumulong. Thank you!”

Imahe mula sa Facebook account ng Batang Coolboys S Cabradilla

Sa panayam sa kanya ng Manila Bulletin, sinabi ni TJ Clemente na inaalam niya kung ang Facebook account na “Batang Coolboys S Cabradilla” ay ang social media account ng bata.

Sa nasabing Facebook account ay makikita si “ukelele boy” kasama ang ilan pang mga bata.