#Throwback: Remember “Lido Beach” sa Cavite?

Imahe mula sa Memories of Old Manila

Ngayong panahon ng summer o tag–init, isa sa mga dinarayo ng mga turistang lokal at dayuhan ang mga beach resort. Isa sa mga madalas na puntahan noon ng mga nagnanais maglunoy sa malamig na tubig-dagat ang Lido Beach sa Noveleta, Cavite.

Ibinahagi ng netizen na si Jojo Navarro Alagar sa Facebook page na “Memories of Old Manila” ang mga throwback photos ng Lido Beach Resort sa Cavite kung saan malinis pa ang tubig nito.

“Dito kayo dumarayo ng ligo sa beach noong araw na malinis pa ang dagat…Lido Beach in Cavite…”

Imahe mula sa Memories of Old Manila

Patok ang Lido Beach noong taong 1950 hanggang 1960 na pagmamay-ari ni Celedonio Santamaria.

Noong ligtas pang languyan ang Manila Bay, dinarayo ang Lido Beach katulad ng Boracay ngayon. Hindi na kailangan pang dumayo sa mga beaches sa Visayas at Mindanao ang mga taga Luzon, lalo na ang mga nasa Maynila at karatig–bayan nito. Laging puno ang Lido Beach sa weekdays at lalo na kapag weekend.

Nagsimulang lumamlam ang kasikatan ng Lido Beach nang maging polluted ang Manila Bay na kadikit lamang ng Cavite. Doon na nagsimulang sumikat ang mga beaches sa  Visayas (Cebu at Aklan), Palawan, at iba pang panig ng bansa.

Para sa alaala ng mga taong minsan nang napadpad sa paraisong ito sa Cavite, hindi nila malilimutan ang lugar na ito dahil maraming matatamis na mga sandaling nakapagkit na sa kanilang mga gunita, tulad ng wedding proposals, engagements, at marami pang ibang mga kaganapan.

Sa muling pagtatangkang isagawa ang rehabilitasyon ng Manila Bay, marami ang umaasam na muling mapanumbalik ang sigla ng Lido Beach, upang mas lalo pang maparami ang iba’t ibang atraksyon at destinasyong panturista ng mga tao na tiyak na makatutulong sa turismo ng bansa.

Imahe mula sa Memories of Old Manila

Sa kasalukuyan, sikat ang Tagaytay City bilang pangunahing destinasyong panturista sa Cavite. Dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista ang tanawin sa harap ng Bulkang Taal kasabay sa pagdama sa malamig na klima rito.