Ready to serve: 28 na bagong ruta ng P2P bus, binuksan na




Imahe mula sa Google Image Public Domain

Kung problema mo ang traffic at walang sariling sasakyan, marami nang mga pagpipiliang mga sasakyang pampubliko na maaaring subukin upang agad na makarating sa destinasyon. Isa na rito ang Premium Point-to-Point (P2P) Bus Service na inilunsad noong taong 2016 bilang isa sa mga solusyon ng pamahalaan sa problema hinggil sa pagpapabilis ng daloy ng trapiko.

Imahe mula sa Google Image Public Domain

Nitong Marso 12, 2019, binuksan na ang 28 bagong ruta ng P2P Bus Service ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.

Batay sa inilabas na Memorandum Circular 2019-010 ng LTFRB, ang mga bagong ruta ng P2P Buses ay ibibigay sa 16 na prangkisa.

Kung manggagaling sa Angat, Balagtas, Pandi, at Plaridel, Bulacan, maaaring bumaba sa North EDSA sa Quezon City.

Mula naman sa Philippine Arena sa Bulacan, maaaring bumaba sa Clark sa Pampanga, Calumpit sa Bulacan, La Union, at Central sa Quezon City.

Kung magmumula naman sa Calamba, Laguna, ang dulo ng ruta ay maaaring sa Makati City, BGC/Fort Bonifacio, Taguig City, at Lawton sa Maynila.

Kung manggagaling naman sa NAIA/PITX at Clark, Pampanga, tuloy–tuloy ang biyahe hanggang sa Baguio.

Mula sa Batangas City, maaaring tumulak hanggang Alabang, Lawton, at PITX. Sa Lipa, Batangas naman, maaaring makarating sa Alabang, Lawton, Ortigas, at PITX.

Mayroon na ring P2P buses sa Visayas. Mula sa Cebu City, maaaring magtungo hanggang sa Lapu-Lapu City, Danao City, at Sibonga sa Cebu. Sa Iloilo City naman, makararating ito hanggang sa Iloilo International Airport, Caticlan, at Kalibo Airport.

Sa Maynila naman, 15 unit ng buses ang bumibiyahe lalo na sa pagpatak ng rush hours upang makapagbigay ng serbisyo sa mga pasahero. Halos 800 pasahero ang naseserbisyuhan nito tuwing umaga at 600 naman tuwing gabi.

Imahe mula sa Google Image Public Domain

Batay sa naging survey ng DOTC sa mga pasahero ng P2P buses, 20% sa kanila ay malaki ang natipid sa gasolina para sa kanilang mga sariling sasakyan dahil pinili nilang sumakay na lamang sa mga bus na ito.