Raffy Tulfo tutol sa pahayag ng kapatid na si Mon hinggil sa pagiging tamad ng mga Pinoy workers

Imahe mula sa Ben Tulfo/Raffy Tulfo Facebook account

Hindi sang-ayon ang radio at tv broadcaster na si Raffy Tulfo sa pahayag ng kapatid na si Ramon Tulfo na “tamad” ang mga Pinoy na construction workers.

Ayon sa ulat ng  PhilStar, sinabi ni Raffy na wala umano itong basehan at hindi alam ng kapatid ang sinasabi nito.

Wika ni Raffy, mas hinahanap ng mga kumpanya sa abroad ang mga Pinoy workers dahil sila’y matiisin, masipag at masunurin.

Imahe mula sa Mon Tulfo Facebook account

Saad pa nito, hindi porke’t sila’y  magkapatid ay iisa ang kanilang pananaw sa isyung ito.

Kilala si Raffy na nilalapitan ng mga manggagawa upang hingian ng tulong sa kanilang mga problemang nararanasan sa trabaho. Si Mon naman ay itinalaga ni Pangulong Duterte bilang special envoy sa China.

Saad pa ni Raffy, walang karapatang magsalita ang kuya niya laban sa mga manggagawang Pinoy sa kabila ng posisyon nito sa gobyerno.

Dapat din umanong unahin ni Mon ang karapatan ng mga Pilipino at hindi ng mga Tsino,  dagdag nito.

Matatandaang dinepensahan ng Malacañang ang pahayag ni ni Ramon Tulfo hinggil sa umano’y pagiging tamad ng mga Pilipino (partikular na sa sektor ng konstruksyon) sa bansa kaya dumami ang mga Chinese workers sa Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nagpahayag lamang ng kanyang opinyon si Tulfo; kung saan malaya ang sinuman na magbigay ng opinyon sa kahit anumang bagay, hinggil sa bansa at kahit kanino pa.

“That is freedom of expression. Everyone is entitled to make his opinion on any matter concerning the country or the people or anybody,” ayon kay Panelo.

Wala ring plano ang Malacañang na bigyan ng disciplinary action si Tulfo.

Tumanggi na ring magbigay ng public apology si Tulfo sa labor groups  at iginiit na nagsasabi lamang umano siya ng totoo, ayon umano sa mga pahayag ng developers.

Sa kanyang Twitter account ay sinabi niyang:

Sa isa pa niyang tweet ay pinatungkulan niya ang kanyang mga kritiko na basahin ang isang kilalang akda ng pambansang bayani:  “Read Jose Rizal’s essay about the indolence of the Filipino in his time. Thank you!”