Plaka na ipakakabit sa mga motorsiklo parang “placard” na sa laki

Imahe mula sa Facebook page ng MRO

Pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay at magiging batas na ang Motorcycle Crime Prevention Bill na mag-aatas na lagyan ng malaking plaka ang lahat ng motorsiklo sa harap at likod nito.

Ang panukalang batas ay akda ni Senator Richard Gordon at Senator Tito Sotto na ang pangunahing layunin ay matuldukan na ang mga krimen ng mga “riding-in-tandem” sa pamamagitan ng paglalagay ng malalaking plate number na maaaring mabasa kahit malayo.

Batay sa panayam sa kanya ng DZMM, sinabi ni Jobert Bolanos, ang chairman ng grupong Motorcycle Rights Organization (MRO), na delikado ang malalaking plaka hindi lang para sa mga riders kundi maging sa mga pedestrians din.

Imahe mula sa Facebook page ng MRO

Sabi ni Bolanos na apektado ang mga motorsiklo dahil sa aerodynamics kapag malaki ang plaka nito, sa harapan man o sa likuran.

Aniya, ang laki ng plaka na gusto ng Land Transportation Ofiice sa ilalim ng panukalang batas ay halos sinlaki na ng isang coupon bond paper. Kapag mabilis ang takbo ng motorsiklo ay malaki raw ang posibilidad na matanggal ang plaka at may matamaan pang ibang motorista at pedestrians.

“Sa madaling salita gusto n’yang lagyan ng placard ‘yung harapan at likod ng motorsiklo,” sarkastikong sabi ni Bolanos patungkol kay Senator Gordon na siyang main author ng senate bill.

Naiintindihan naman daw ng grupo ni Bolanos ang rason sa likod ng panukalang batas pero malalagay daw sa alanganin ang kaligtasan ng law-abiding motorcyclists.

Imahe mula sa Malacañang

Hindi rin naniniwala si Bolanos na mapipigilan ng malalaking plaka ang paggamit ng motorsiklo sa krimen. Aniya, sino ba namang kriminal ang gagamit ng sarili niyang plaka sa paggawa ng krimen? Ang dapat daw gawin ng pamahaalan upang wakasan ang riding-in-tandem crimes ay paigtingin ang police visibility.

Nanawagan ang MRO kay Pangulong Duterte na i-veto ang Motorcycle Crime Prevention Bill. Umaasa ang maraming motorcyclists na pakikinggan sila ng Pangulo dahil isa rin itong motorcycle enthusiast.