Pinoy Artist, kasama sa produksiyon ng ‘Avengers: Endgame’




Larawan mula sa Instagram account ni Anthony Francisco

Inaabangan na ng maraming Pinoy Marvel fans ang pagpapalabas ng “Avengers: Endgame” sa darating na Abril na isang Pinoy artist pala ang abala sa produksiyon.

Malaki ang kontribusyon ni Anthony Francisco, senior concept designer, sa pagbuo ng pinakamalalaking superhero movies ng Marvel Studios, kabilang na ang Guardians of the Galaxy, Black Panther, Captain Marvel, at Avengers Infinity War, at ang ipalalabas pa lamang na Endgame.

Larawan mula sa Instagram account ni Anthony Francisco

Pangunahing trabaho ni Francisco ang gumuhit at lumikha ng iba’t ibang costumes ng mga karakter at superhero ng Marvel at ipakita ang katauhan sa pamamagitan ng kanilang kasuotan sa mga pelikulang kabibilangan nila.

Ilan sa mga tauhang ginawan ni Francisco ng costume ay sina Loki, Groot, Dora Milaje, Black Panther, at ang pinakabagong Marvel offering na si Captain Marvel.

Ayon sa isang panayam kay Francisco para sa ABS-CBN News, malaki raw ang naging papel niya sa pagbuo ng konsepto ng dalawang pinakainaabangang Marvel movie na Avengers: Infinity War at Endgame, at hindi na raw makapaghintay si Francisco na ibahagi sa buong mundo ang galing ng isang Filipino artist.

“Yes, I worked on Endgame, I worked on Infinity War and this one. And this one’s exciting because I did a lot of stuff I’m proud of,” sabi ni Francisco na 20 taon ng isang visual artist.

Maliban sa Endgame, sabik na rin si Francisco na maipalabas sa Mayo ang ‘The War of the Realms’ kung saan bibida naman ang kauna-unahang Filipina Marvel Superhero na si Wave.

Ayon sa kasamahan ni Francisco sa Marvel Studios na si Leinil Yu, ang superhero na si Wave ay nagmula sa Cebu at mayroong tunay na pangalan na Pearl Pangan.

Larawan mula sa Instagram account ni Anthony Francisco

Ibibida rin ni Wave sa nasabing animated action movie ang katutubong sandatang “kampilan”; ang isang uri ng espada na ginamit rin ni Lapu-lapu sa pakikipagl4ban sa mga mananakop na Espanyol.

Kung sakaling gagawan ng live action ang The War of the Realms, napupusuan naman ni Francisco na gumanap bilang Wave ang aktres na si Angel Locsin.

Ipalalabas ang Avengers: Endgame sa Abril 22 na ikaapat na installment sa Avengers franchise.