Pinakamalaki at pinakamatandang T-rex sa buong mundo nahukay sa Canada

Screenshot mula sa video ng CTV News

Inanunsiyo ng mga paleontologists sa University of Alberta noong Biyernes, March 22, na nahukay sa Saskatchewan province sa Canada ang pinakamalaki at pinakamatandang Tyrannosaurus rex (T-rex) sa buong mundo.

Binansagang “Scotty” ang malaking T-rex dahil isinunod ang pangalan nito sa isang bote ng scotch na pinagsaluhan ng mga paleontologists noong gabi na nadiskubre ang mga buto niyon.

“The field crew wanted to raise a glass to toast the T-rex and the only spirits that were on hand that seemed appropriate was a very old bottle of scotch,” paliwanag ni Scott Persons; isang postdoctoral researcher sa Department of Biological Sciences ng University of Alberta.

Screenshot mula sa video ng CTV News

Ayon sa mga paleontologists, ang skeleton ni Scotty ay may habang 13 metro at tinatayang tumitimbang ng 8,800 kilograms noong pagala-gala pa ito sa prehistoric Saskatchewan humigit-kumulang 66 milyong taon na ang nakalilipas. Mas mabigat siya ng 400 kilograms sa mga kasabayan niyang mga meat-eating dinosaurs.

“This is the rex of rexes. There is considerable size variability among Tyrannosaurus. Some individuals were lankier than others and some were more robust. Scotty exemplifies the robust,” sabi ni Persons.

Screenshot mula sa video ng CTV News

Ang mga buto nito ay noon pang 1991 nahukay subalit mahigit dalawang dekada ang ginugol ng mga paleontologists para tanggalin ang mga sandstone na bumabalot sa mga buto ng dinosaur.

“It was basically like cement encrusting the skeleton,” ani Persons.

Nabuhay si Scotty ng 30 taon na sa standards ng mga T-rex ay isang mahabang buhay.

“Scotty is the oldest T-rex known, having lived into its 30s. By Tyrannosaurus standards, it had an unusually long life,” kuwento pa ni Persons.

Ayon sa CTV News, ang skeleton ni Scotty ay idi-display sa Royal Saskatchewan Museum sa darating na buwan ng Mayo.

Screenshot mula sa video ng CTV News