Panelo sa pahayag ni Tulfo hinggil sa Pinoy workers: “That is freedom of expression”

Imahe mula sa Sal Panelo/Mon Tulfo Facebook account

Dinepensahan ng Malacañang ang pahayag ni Special Envoy to China na si Ramon Tulfo hinggil sa umano’y pagiging tamad ng mga Pilipino sa bansa kaya dumami ang mga Chinese workers sa Pilipinas.

Ayon sa ulat ng GMA, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nagpahayag lamang ng kanyang opinyon si Tulfo; kung saan malaya ang sinuman na magbigay ng opinyon sa kahit anumang bagay, hinggil sa bansa at kahit kanino pa.

“That is freedom of expression. Everyone is entitled to make his opinion on any matter concerning the country or the people or anybody,” ayon kay Panelo.

Wala ring plano ang Malacañang na bigyan ng disciplinary action si Tulfo.

“Bakit mo naman idi-discipline [for] relaying what he has been told by the developers, eh I think siguro kung totoo man iyong sinasabi ng mga developers, that should also give us – iyong kung tayo ang mga workers – na baguhin natin ang attitude natin with respect to our work ethics,” ani Panelo.

Sinabi pa ni Panelo na inihahayag lamang ni Tulfo ang mga nasabi sa kanya ng mga developers, hinggil sa umano’y kagustuhan nila sa mga Chinese workers.

Ngunit kumambyo rin naman ang Palasyo sa pahayag ni Tulfo, at sinabing masisipag naman talaga ang mga Pilipino at sa katunayan ay maganda ang feedback sa mga ito sa ibang bansa.

“If we put our hearts into it, magagaling talaga ang mga Pilipino. Meron ding tamad, pero generally talagang masipag tayo,” ani Panelo.

Imahe mula sa Mon Tulfo Facebook account

Matatandaang, dinepensahan ni Tulfo ang pagdami ng Chinese workers sa bansa, kasabay ng kanyang pagpuna sa mga Filipino workers sa larangan ng konstruksyon.

Tumanggi na ring magbigay ng public apology si Tulfo sa labor groups  at iginiit na nagsasabi lamang umano siya ng totoo, ayon sa mga developers.

Source :

GMA, Inquirer, ABS CBN